Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
astroaquanaut Oct 2015
"bakit 'di mo pa binuhos ang lahat?" nagtatakang tanong sa akin ni inay. inutusan niya akong diligan ang alaga niyang santan sa bakuran. "nagtira ka pa. 'di naman na kailangan," at sabay niyang kinuha ang balde na naglalaman ng tubig na galing sa kanyang pinaglabhan. walang pagdadalawang-isip at bigla na lang niya itong itinapon sa sementadong daanan papunta sa aming bakuran.

sa malayang pagdaloy ng tubig, napaisip ako kung bakit ganoon na lang itapon ni inay ang tubig. pwede pa namang ipandilig iyon sa ibang halaman na nasa tabi-tabi. pero bakit hindi ko man lang din yun naisip na gawin? para nga naman hindi nasayang ang tubig. para may iba pang halaman na pwedeng makinabang at hindi ang walang buhay na sementadong daanan.

oo nga naman, ang tubig na galing sa labada ni inay ay marumi na. umitim at dumumi dahil sa pinaghalo-halong sabon at mantsa ng mga naiwang alaala sa damit. kung nakakapagsalita nga lang din naman ang halaman, hindi niya gugustuhin ang maruming tubig na galing sa labada ni inay.

pero hinuha lang naman ang lahat. paano kung ang mga halaman sa tabi-tabi, ay parang katulad lang din ng patubong santan na alaga ni inay...

nangangailangan
at sadyang nauuhaw.
Marinela Abarca Jun 2015
Nagdasal at humingi ng isang tao
Na magtutulak sa akin para bitiwan na ang panulat na ito
Isang tonelada at mahigit na ang mga salitang pasan ngunit hindi pa rin ako nabibigatan.

Mali ang akala.
Hindi pa pala.
Lalo lang umitim ang tinta.
Dumiin sa papel ang pluma.

Nanatili pa ding naka-dantay
ang mga salita sa namimitig kong kamay.
Hinihintay nalang mamanhid
para hindi manatiling nakasilid
ang mga naipon na tula't sanaysay na wala nang saysay.

Hindi na ko humihiling
ng isang dahilan na dadating
na aalayan nitong mga salitang
naririnig at binabasa lamang.

Mga letra na binibigyang kulay,
nagkakaiba lamang sa kung sino ang bumubuhay.
Nakakapagod mag pinta
kung ang bawat makakakita ng obra,
babaguhin ang imahe sa kung ano ang nasa harapan nila hindi man lang isipin na magkakaiba tayo ng mata.
Inilarawan **** berde, gagawin nilang kahel.
Tinta mo na asul, hahawakan at magiging pula.

Siguro nga itong mga kamay na biyaya,
hindi na para sa papel at tinta.
Kasabay ng maraming paalam
ang huling isinulat na liham.

— The End —