"taya" poems
Sa pagibig....
Pwede kang magdala, o ikaw ang dadalhin
Pwedeng kang paasa, o ikaw ang paasahin
Pwede kang manggamit, o ikaw ang gagamitin
Pwede kang mabigo, bago mo sya bigoin
Bago magmahal, dapat bang handa ka?
Na Bago ka masaktan, kailangan ng anestesia, ano para manhid muna?
At dapat bang may pamunas? Bago ka lumuha?
Ahh, Bago pala ang lahat, ano ba magiging luma?
At Ganon ba ngayon pagnagmahal?
Para manalo ang taya, dapat **** isugal!
Pano kung lahat mo na ginawa? Kulang parin
Di ba masakit?
Kung Alam na nating masikip sa damdamin, pinipilit pang pagkasyahin
Lahat naman talaga pwede diba?
Tulad ng sinabi ko sa unang stanza
Pwede kayong dalaway magkatuloyan
Pwede ding tuluyan kang iwanan
Pwede ka nyang maalala, pwede ding kalimutan
Pwede ka rin nyang paalalahanan na wag mo na syang ligawan
Pero laging pakatatandaan....
Lahat ay nagtatagumpay lang kung naiiwasan ang kabiguan
Pero ako, di parin ako matatakot magmahal
Kasi alam kong darating ang araw di magtatagal
Na ang natagpuan ko man di sakin itinadhana,
May itinadhana para sakin na di ko pa natatagpuan
Dun ako naniniwala,
Ang puso ko di parin nakasara
hinihintay lang kita aking sinta
Hanggan sa panahon na tayoy magkita
Lahat ng pagtingin ko sayo na
Ngunit ngayon, sa paglipas ng panahon
Ang anyo ng pagibig ay nagbago, Lasa nagkaroon
Noong nanliligaw sobrang sweet,Naging bitter ng nabasted
Meron pa ngang iba, iba iba ang tinitikman ng di mo nababatid
Parang sa kape din, noon stick to one lang ang timplahan
Ngayon naimbento na ang 3 in 1
Parang tema ng pelikula din, noon may happy ending
Ngayon dapat happy lang walang ending
Noon ang poreber pinaniniwalaan
Ngayon ang poreber, walang ganyan
Noon may pagibig na wagas
Ngayon ang pagibig nagwawakas
Kaya naaalala kita sa Noon at ngayon
Kasi,,,,
Noon, saksi ang langit,nagsumpaan tayo
Ngayon, dahil sa galit, sinusumpa mo na ako
Noon, ang nadarama natin masaya lang
Ngayon, ang nararamdaman natin masasayang lang
Noon, hawak hawak pa kita,Ngayon, bakit bumitaw ka na
Noon, andito ka pa, Ngayon, bakit anjan ka na
Di ko mawari ang pagibig kung itoy biyaya bakit masakit
kung gaano katamis noon, ngayon walang kasing pait
kung gano kainit noon, ngayon napakalamig
Kung gano ka kinikilig noon ,ngayon naging manhid
Kung gano tayo kalapit noon, malayong agwat ngayon
Kung gano tayo nagaalala noon, biglang nagkalimutan ngayon
Kung gano tayo kasaya noon, walang kasing lungkot ngayon
Pangako **** di ka magbabago noon, ngunit nagiba ka na pala ngayon
Kung Ano man ang meron noon, lahat yun nawala ngayon
Sep 28, 2018
Sep 28, 2018 at 12:18 AM UTC
Susulat ako ng isang libong tula
Kung ito ang magpapahilom sa pusong pagal
Sa pag-ibig
Isusulat ko ang tula sa dalampasigan
ng alaala
Na kasing haba ng aplaya
Hanggang sa maghilom ang pusong sugatan
Dulot ng iyong paglisan
Huhugot ako ng maraming tayutay at saknong
Na may lantay at tugma
Sakaling anurin ito at mabasa mo
Sa dalampasigan ng aking puso.
Ikaw ang hugot
Ikaw ang sagot
Susulat ako ng isang libong tula
Dito kung saan taya unang nagsimula.
Sep 20, 2016
Sep 20, 2016 at 3:41 AM UTC
Sabi mo sa akin tumingala ako sa langit
At tingnan ang mga talang kaakit akit
Nang ako'y tumingin sa kalangitan
Ni isang ningning ay wala akong namataan
Nasan ang sinasabi mo?
Bakit ang labo mo?
Sabi sa isang dyaryong aking nadampot
Ang mundo'y puno na ng poot
Simoy ng hangi'y hindi na presko
Pagsasa walang bahala, eto ang epekto
Puro nalang kasi AKO AKO AKO
Wala manlang SILA SILA SILA
Paano na nga ba ang iba?
Parati nalang sila ang taya
Kelan ba sila makakalaya
Tila ang tadhana'y maramot at madaya
Mga walang kamalay malay
parati nalang nadadamay
sa mga bagay bagay na tayo ang may gawa
Tila hindi na nagsawa
Sa ilang ulit nang pagmamaka awa
Sila ang nagbigay,
bumuhay
and nagpalago
sa ating ekonomiyang nagduduwal ng daan daang salapi
at nagbibigay sa atin ng gatas na naiiwan pa sa ating mga labi
Tayo? Kelan kaya tayo makapagbibigay?
Kanilang pangangailangan
parati nalang "mamaya na yan"
Kung kelan huli na ang lahat
Kung kelan tayo na'y salat
Saka lang mapapansin
na malapit na tayong mag dildil ng asin
Hindi ba pwedeng baliktarin?
Baliktarin ang pamamaraan natin
Sila naman ang pagbigyan
Uhaw na sila sa kalayaan
Nov 24, 2015
Nov 24, 2015 at 7:44 AM UTC
#090316
Naabutan mo ba ang Chinese Garter o 10-20?
Luksong-lubid, Tagu-taguan, Piko o Patintero?
Alam mo ba yung Yes or No?
Gumuhit ka ng kahong pahaba't
Hatiin ang mga ito, marahil mahabang proseso
Mahalukay lamang ang tamang istilo.
Titingala't magtatanong, "Yes or No?"
At may magbabatuhan ng boses ng pagsilong.
Paano kaya kung ganoon kadali
Kung kaya **** magpatawad
Nang bukal sa puso't walang gitgit.
Hanggang kaya mo nang ipaubaya ang galit sa Langit,
Hanggang kaya mo nang lumaban na may sariling paninindigan.
Pagpapatawad
Sa mga nanakit sayo,
Sa mga nasaktan mo,
Maging sa sarili mo.
Kaya mo ba? Yes or No?
Bumisita ka sa Palengke,
Tiyak bistado mo ang 'yong sarili.
Hindi ba't pag mahal, humihingi ka rin ng tawad?
Pag di ba pinagbigya'y galit ang ibabayad sa Tindera?
Oo, mahal kasi; sobrang mahal
Kaya sana'y lambingin ng "oo" ang "patawad" niya.
May oras para sa lahat;
Maging sa paghilom ng Bayan,
Sa pagdidildil ng Asin sa sanlibutan,
Na Siya ring naghasik
Ng mga butong nagkalaman sa Lipunan.
Bahagi ka ng Tulang ito, isang tulang pasalaysay -
Payak at walang bahid na pagkukunwari.
Ibabalot ko ang tanong na "Yes or No?"
Batang 90's, iba na nga pala ang timpla't
Magkakaubusan na naman ng mga letra't himig.
Sige, magtatapos ako Sayo,
Pagkat Ikaw naman ang taya sa buhay Mo.
At ito na marahil ang Pagtatapos
Na Ikaw rin ang Panimula.
(P.S. Tapusin Mo, sa muli nating pagkikita)
Sep 3, 2016
Sep 3, 2016 at 8:37 PM UTC
Sutla ang iyong kutis,
Ilang inches na heels
iPad ang hawak
Ayan pa’t naka-Rayban
Kahit taglamig –
Ganyan dito sa abroad
Pasyal dito
pasyal doon
Higit sa lahat
Hindi barya ang sahod.
Padala sa Pinas,
Lahat ay winaldas
Dami pang pasakalye
Datong din pala
Palaman ng inyong mensahe.
Aba’t bida pala si bunso
Sa tropa’t sa eskwela
Hindi ba’t astig?
Pang-party nila’y
Siya ang laging taya!
Ang binata ko’y
Malaki na talaga
Kapapanganak lang daw
Ng bespren nya
Anak, tanong lang
ba’t sa handa nila’y
Ikaw ang itinoka?
Ang ilaw ng tahanan
Na siyang aking iniirog
Sabay sa uso
Nakasisilaw ang alahas
Inubos ata ang bawat perlas
Buti’t nakaahon pa’t
Ayan, kay kumpare pa
Siya’y nakakapit!
At ang nararapat
Na panglamang-tiyan
Kulang pa pala
Kanyang sinapupunan
May bagong buhay
Mahal, saan siya nanggaling?
Puso ko’y nalurak
Ako’y inahas na
Pinagsamantalahan pa
Akala nila’y ok lang
Akala ko’y may babalikan pa
Yung totoo,
Lata’y hiyang-hiya na
Humihikbi ito
Makatikim lamang ng barya
Wala na ang sahod,
Awitin ko’y “Palimos.”
(12/2/13 @xirlleelang)
May 27, 2014
May 27, 2014 at 10:20 PM UTC
*Araw araw ako'y naglalakbay
Sa jeepney at tryk, nakasakay
Madalas naglalakad sa tulay
Nakasilong sa dahong makukulay
Nang dumilat ang ulap at nagmasid
Aral sa buhay ko'y dumarami
Bilang ng tao at hilaw na kapatid
Ako'y saksi sa kanilang pasanin
Matatandang panot, hayop na pilay
Batang walang saplot, naka-bitay
Babaeng may sanggol na alay
Kumakatok, nanlilimos ng karamay
Binuksan nila ang mga mata ko
Sa katotohanang pilit tinatago
Mga bangungot sa bawat kanto
Nabubulunan sa hiram na piso
Sa bawa't yapak ng aking lakbay
Dama ang kayamanan ng tao
Higit pa sa laman ng aking bulsa
Ang gintong binuo sa katauhan ko*
Taya!
Oct 13, 2015
Oct 13, 2015 at 11:25 AM UTC
Kumusta na
dati kong kaibigan?
Masyadong mabilis ang
ating mga pinagdaanan
Kumusta na
ang dating pangarap
na binuo ng grupo
na binuo dito
Wasak
Wasak ang puso
"Tulo ang dugo!"
Sabi nga ng mga bata sa kanto
Sana bata na lang ulit ako
Kung bata lang ako
Naglalaro lang siguro ako
Tumatakbo ng mabilis
Para hindi mahabol ng taya
Sabagay...
Magpahanggang ngayon naman
tumatakbo pa rin ako
ng mabilis
para habulin ang mga pangarap
kong
kasing bilis ng jaguar
kung tumakbo
Teka't hinihingal ako...
Andyan ka pa pala
Kumusta nga?
Kumusta tayo?
Babalik pa ba?
O hahayaan na lamang ba nating
lumipas ang panahon
na tayo'y hindi man lang
naging masaya
Kasama ang isa't isa
Kumakanta
Sumasayaw
Sa saliw ng gitara
Sa hampas ng magtatambol
Sa iyong boses
Na minsa'y aming naging boses
Kumusta ka?
Parang ang tagal-tagal na
Mula ng huling pagkikita
Kumusta?
Puro na lang tanong
Wala namang totoong sagot
Sa tanong na 'yan.
Dec 12, 2015
Dec 12, 2015 at 1:02 AM UTC
Naglalaro tayo,
Pero hindi parang biro.
Mayroong taya,
Pero hindi alam kung sino.
At walang tayo,
Pero sana’y parehas na manalo.
Sisilip ang pusong walang pagkukunwari.
At sa tikas at dunong ng iyong pananampalataya,
Pawang gabay sa nauuhaw na sandali.
Ang baryang sentimo’y itinabi nang kusa,
Pagkat umuusbong ang pagsinta
Sa para sanang taglagas na paghinga.
Nais kong siyasatin ang maamo **** mukha
At ang pagkukumbaba’y batid kong patas at di ulila.
Iyong mga kamay, yapos silang mga uhaw
At ang tula’y binalot ng pakikipaghimagsikan.
Dukha ang pag-ibig ko,
Bagkus hindi mamamalimos.
At sa mala-larong pag-iibigan,
Magwawagi rin tayo.
Sapat na ang nalalabing mga sandali’t
Armas nati’y ibibigkis pa rin sa Langit.
Pagkat hindi lilisanin ang Harding may bukal ng pag-ibig.
Tataya ako’t hindi ka muna gigisingin
Sa himbing ng paghikbi’y, ako’y gapos ng katotohanan.
Sinta, hintay lamang; pagkat matatapos din ang laro
Gigising tayong muli’t bibihisan ng pagsuyo.
Mar 29, 2016
Mar 29, 2016 at 10:28 AM UTC
082021
Inuusig niya ang mga talang kumikinang
At tumatabon sa mga parating na bulalakaw.
Ang mga mata ng santelmo’y
Hindi na lagim ang ibinubuntong hininga
Kundi liwanag na humahabol
Sa bawat paghikab nang nakatihaya.
Hati-hati sila sa papag
Sa kung sino ang taya sa pagsilang ng araw
At sa pinintang dilim
Na hindi na bangunot ang pasalubong
Kundi pag-asang makapagsalu-salong muli
Sa hapag-kainan sa panibagong kalendaryo.
Habang nagniningas ang mga baga’y
Guguhitan nila ang pisngi ng bawat isa
Gamit ang bawat kwentong agimat ng kahapon.
At mapupuno ng halakhakan ang bawat kurtina
Na para bang sila’y nasa entablado
Ng sarili nilang istoryang sila rin ang nagbigay-buhay.
Ang bawat butil ng bigas
Ay katumbas ng pawis na alay nila sa palayan
Habang ang kirampot na tuyong walang sawsawan
Ay sining na makulay sa kanilang mga mata.
At sila’y magtatampisaw
Sa putikan ng kanilang hanapbuhay
At ni isa sa kanila’y ni minsa’y
Di ginambala na ang bukas ay magiging sakuna.
Isa, dalawa, tatlo..
Sunud-sunod ang mabibilis na butil
Na ni isa’y di mailagan.
Ang mga butil ng palay
Ay nagmistulang mga basura sa lansangan
Na nilalangaw at pinag-aagawan
Ng mga itim na ibong gahaman sa kapangyarihan.
Aug 20, 2021
Aug 20, 2021 at 9:11 AM UTC
Napakadami nating letrato na magkasama
Tingnan mo oh ang saya mo pa.
Sa lahat ng imahe, napapangiti kita
Hindi ko pinaramdam na nagiisa ka.
Mahal, may nalaman ako
Mahal, alam kong di yun totoo
Hindi naman di ba mahal ko?
Sabihin **** mali yung nalaman ko.
Sabi mo kaibigan mo lang sya?
Kasi sabi mo "Barkada"
Oo tama ka, kabarkada ko pa!
Ano ba yan, pinagmuka nyo kong tanga!
Mahal bakit nyo naman ako niloko?
Hindi naman ako bato
Na kayang magpakamanhid sa ginawa nyo
Na kayang tanggapin ang pagkakamali nyo.
Kaya pala,
Pag wala sya nalulungkot ka
Tanga ko, bat di ko nahalata?
Puta kasi nabuglag ako sa pagmamahal, kingina!
Ang sakit maloko
Ang sakit masaktan ng patago
Ang sakit na ang relasyong to'y isang laro
Laro lang dahil ginamit mo lang ako.
Pero mahal salamat ha?
Salamat sa tubig na tumulo saking mga mata
Salamat sa laro na habang buhay ay ako ang taya
Larong sakin ay nagpaluha.
May 24, 2018
May 24, 2018 at 5:37 PM UTC
Impyerno.
Im.. im.. impyerno ang nadarama.
Nakabilad sa sikat ng araw. Taya
at buro pa yata.
Sabay na inaabangan:
ang pagkakamali,
at tawag ni inay —
mas importante ang nauna
ngunit parehas nakakatakot.
Sa isip-isip ko:
“Mahulog ka sana,
upang mataya na kita.”
Pero ang ninanais ba ay totoo
o para lamang masalo? Ang puso
at marahil
noon ko rin unang nalaman
ang agwat ng mga platapormang
inaapakan.
Malapit ngunit malayo.
Ako'y isa lamang kalaro.
Langit ka; lupa ako.
Nov 16, 2018
Nov 16, 2018 at 2:19 PM UTC
100221
Nauuna pa tayo sa mga alitaptap
Sa paggayak patungo sa dilim,
At doon sa papag ay sabay-sabay nating iitiklop
Ang ating mga paang napuno na ng alikabok
Para lamang mag-“indian sit.”
Ang ating mga halakhaka’y
Nagmistulang musikang humihele
Sa pandinig ng ating mga magulang
At ito’y mangingibabaw sa liblib na tahanang
Puno ng pagmamahal at pagmamalasakit.
Tunay ngang payak ang ating pamumuhay —
Tayo’y magsisilapit sa ginagawang liwanag ni Itay
Mag-uunahan na parang sigurado na kung sino ang taya,
Kung sino ang mag-aabot ng gas o posporo
Sa tuwing naisasambit ang mga salitang, “Nak, paabot.”
Nais sana nating hindi kumurap
Pagkat tayo’y nakatututok habang pinagmamasdan
Ang nagmimitsa’t nagniningas na apoy.
At ito ang liwanag na aasahan nating
Magbubuklod sa atin papalayo sa dilim
At magkukulob sa nasasakupan
Ng sinag ng ating mga paningin.
Hindi na natin alintana
Ang init na dumarampi sa ating mga balat
At tayo’y mapupuno ng pagkamangha
Sa liwanag na itinuring nating mahiwaga —
Mahiwaga sa ating mga matang
Walang ibang nais kundi magliwanag na.
Hindi na rin natin namalayan ang bawat segundong lumilipas,
Maging ang mga dahong kumukupas
Sa paghimlay nito sa ating mga paanan.
Panahon ay dumaraan ngunit hindi nang palihim;
At panahon din ang susukli
Sa mga alaalang nais nating manatili.
Oct 2, 2021
Oct 2, 2021 at 10:22 PM UTC
nakaw lang ang mga sandali
ngunit tayo'y nakangiti
kahit hindi ma'y magkatabi
sa puso ko ika'y mananatili
sa iyong buhok na manipis,
sa balat **** kay kinis
ang iyong tangkad na hindi labis
at ang iyong nakakabighaning ngiti
sino ba naman ang hindi mahuhumaling
sa isang gaya mo, walang maihahambing
sa aking huwad na buhay, isang ikaw ang dumating
kinulayan ang aking buhay, isang kang luningning
ngunit ang tadhana nati'y hinatulan
emosyon ko'y hindi napigilan
ako'y nawala, sa ere ika'y binitawan
lubos na nagsisisi, ba't ka nga ba pinakawalan?
sa mga panahong lumipas
ilang beses mo na akong binigyan ng tsansa
ngunit sa sarili' ako'y nagdududa
na baka maulit ang aking mga nagawa
sa panahong ika'y muling mahagkan
buo na'ng puso't isipan
ika'y hindi sasaktan't iiwanan
ngunit ang kapatawaran mo ba'y aking matatamasan?
nawa'y sa aking paghilom, ay nariyan ka pa
hihintayin kita't tayo'y magsisimula
mapaglarong tadhana ginawa tayong taya
nawa'y tayong dalawa ay tuluyang makawala
Jan 2, 2022
Jan 2, 2022 at 10:58 AM UTC
Nagsimula na ang bilang mo,
Isa, dalawa, tatlo,
Nagsimula na ang aking pagtakbo,
Apat, lima, anim,
Nagtago na ako mula sayo,
Pito,walo,siyam,
Napakadami na ng aking hinakbang papunta sa dilim,
Takot man ako sa mga nilalang ng kadiliman,
Handa akong tumakbo papunta rito,
Basta’t makalayo lamang sayo.
Hindi ko na narinig ang pagtatapos ng iyong pagbibilang,
Hindi ko alam kung sino na sa atin ang nagtatago’t naghahanap,
Patapos na ba ang ating laro?
Kaya’t uuwi ka na lamang, at magpapahinga sa bahay niyo?
Lumalalim na ang gabi,
Natatanglawan na tayo ng mga bituin,
At mga alitaptap na tila kumikislap ang mga pakpak,
Ikaw ba’y naglalakad palayo sa akin?
O ako ba ay tumatakbo lamang paalis?
Gabing gabi na,
Tayo pa rin ay nagtataguan sa ilalim ng buwan,
Maglalakad na ako mula dito sa aking taguan,
Papunta sa iyong tahanan,
Wala na akong pakialam,
Kung ako man ay mataya o di kaya’y madapa,
Basta’t matapos na ang ating taguan,
At pagkakita ko sayo,
Sa dati **** pwesto,
Natapos ang iyong pagbibilang,
Sampu, narito na ako, nahanap na kita,
Hindi pala ikaw ang taya,
Aking mga mata lamang pala ay dinadaya,
Natapos din ang ating taguan,
Nahanap na kita, nahanap mo na ba ako?
Sep 6, 2016
Sep 6, 2016 at 4:50 AM UTC
Hindi nagpasabi sa tunay na mithiin
Ngunit kalauna’y mahahalata din
Laro ang tingin sa damdamin
Pwedeng pagpasa-pasahan
Pwedeng paasahin
Bakit palagi na lamang taya
Tatakbo’t hahabol
Laging madadapa?
Masasaktan
Ang tawag ay lampa
Samantalang sa una pa lang
Hindi naman ito ang gusto niya?
Titigil na sa pagtakbo
Titigil na sa paghabol sa’yo
Hinihingal na’t
Pawis tumutulo
Bumibilis ang tibok ng puso
Pinagod ang sarili
Nagkasugat, nahirapan
At sa huli iyong sasabihin
atin na itong tigilan
Sineryoso ko pero
Nilaro mo lang pala
Feb 16, 2016
Feb 16, 2016 at 8:24 AM UTC
Ang sarap sa labas ayaw mo bang magpahangin?
Sa tabi ng ilog may malaking puno, higa tayo sa lilim.
Magtatagpo, tatakbo, magtatago.
Hangga't umabot sa kwentong kala mo walang dulo.
Bakit ayaw mo yatang lumabas?
Kasama mo ako ika'y ililigtas.
Di kita masisisi kung ang tingin mo sa mundo,
Ay puro kasinungalingan, kala mo'y impyerno.
Payag naman akong dito na lang maghabulan,
Sa apat na sulok ng kwarto tayo'y magtaguan.
Ibababa ko ang kurtina, ikaw ang taya.
Sa apat na sulok ng kwartong 'to, tayo'y malaya.
Bigla akong nagising, wala ng katabi.
Narinig kong katok pala ay guni-guni.
Biglang tumunog aking telepono.
'Nasa pinto ako' sabi ng boses mo.
Payag naman akong dito na lang maghabulan,
Sa apat na sulok ng kwarto tayo'y magtaguan.
Ibababa ko ang kurtina, ikaw ang taya.
Sa apat na sulok ng kwartong 'to, tayo'y malaya.
Dec 10, 2016
Dec 10, 2016 at 11:42 AM UTC
Ang bawat salitang bibitawa’y
Mistulang mga butil ng ulan.
Dahan-dahang tutuksuhin ang damdaming
Hindi mawari kung saan nga ba lulugar.
At unti-unting magtatago at maglalaho,
Gaya ng mga imahe sa panaginip
Na minsa’y nagigising na lamang --
Kupas na ang mga alaala.
Naglaho at nagbago,
Tulad ng gabing mapanlinlang.
Tulad ng pag-aalinlangan
Kung bubuhos na ba ang unang patak ng ulan
O mananatili’t makapaghihintay
Kung sino ang taya; kung sino ang handa na.
Hindi ko lubos maisip
Na ang tadhana pala ay may katapusan,
At ito’y matagal nang dumaong
Sa kawalan ng tiwala.
At gaya ng mapanuksong dahong
Sumasalo sa luha ng langit,
Siya rin pala'y bibigay at mapapagod --
Mapapagod at lilihis hanggang pangako'y mapako.
Naubusan ang bawat katauhan
Ng sandatang mas masakit pa sa ligaw na bala.
Hindi na rin nila naggawang humanap ng paraan
Para likumin ang minsang mga butil
Na ngayo'y karagatan na.
Naubusan na rin ng mga salitang maibibigkas
Pero minsan din naman nilang sinambit,
Na “ako’y handa na."
Nagtuturuan at nagtutulakan,
Kung sino ba ang may sala.
Ang rosas na alaala, ngayo'y tinik na sinusuka.
Humahampas ang agos ng nakaraan
Sa mga pusong nanamlay habang naghihintay.
Marahil, napagod nga sila
O talagang naubos na ang alas
Sa kani-kanilang mga baraha.
Naulit nga lang ba ang nakaraan?
O ito ang katapusan ng kanilang sumpaan?
Pagkat minsan na ring nalumbay
Buhat sa distansyang pumagitan sa kanila
Ngunit sa pagitan ng “oo” at “hindi,”
Hindi na nila nagawang sumabay.
Ang bigat na kargo ng isa’y
Hindi na kinayang pasanin ng isa pa.
At sa sabay na pagtalikod
Ay namutawi ang poot at tampo.
Hanggang sa dulo ng sinasabi nilang “simula”
Ay naging hangganan na.
At naputol ang pulang lasong itinali nang sabay.
Sabay nga silang nangarap,
Ngunit sabay din silang naubos.
May 22, 2021
May 22, 2021 at 3:07 AM UTC
;;
ikaw ang paburitong kanta na inaabangan ko palaging tumugtog sa radyo.
ikaw ang larong pipiliin kong maging taya ulit.
ikaw ang pelikulang uumpisahan kong muli,
kahit na lumuha pa.
ikaw pait na nais kong malasan pa rin.
ikaw ang sakit na hahayaan kong madama ulit,
at ikaw rin ang pag-ibig na patuloy sa akin na ipinagkakait.
Jan 14, 2021
Jan 14, 2021 at 5:27 PM UTC
#021816
Minsan, nagsasalita ang mga lata
Napakaingay at mistulang sirang plaka.
May yugyugan pa
Ng mga baryang hindi mabilang-bilang.
Ang latang nanahimik, kikibo rin pala
Pag tinapunan ng barya,
Kakalansing siya.
Hawak ng nanlilimos ng simpatya,
Ngunit sino siyang taya?
Waring nagsisipilahan pa sila
Sa pagtapon ng sentimo
Na tila baga lahat ay uhaw sa pansin.
Kapag binigyan mo,
Kakapit sila sa damit at magmamantsa
May bakas ng mga kamay
Kaya't sila'y wagi sa panlilimos.
Kaya't minsan, hindi ako naaawa sa kanila
Pagkat pagbubulaslas nila'y walang kasiguraduhan.
Saanmang anggulo,
Hindi masiyasat ang katotohanan.
Sila mismo, gulung-gulo sa kabuuan
Ni hindi tiyak ang nilalaman
At kuwento'y niyupi-yupi,
Buhay sa kanya-kanyang kalupi.
Tunog-lata nga naman.
Feb 18, 2016
Feb 18, 2016 at 9:37 PM UTC
051922
Sa loob ng ilang taong paghabi ng mga tula’y
Nagsilbi pala itong aking pahingahan.
At sa pagpili kong isantabi nang pansamantala
Ang pag-ibig ko sa pluma’t papel
Ay unti-unti rin palang gumuho
Ang mga pader na naging proteksyon ko
Laban sa mga kumunoy ng aking damdamin.
Sabi ng iilan,
Gusto nila ng kalayaan —
Ngunit naiiba ata ang aking kagustuhan.
Pagkat mas ninanais ko pang
Punuan nang matataas na pader ang sarili kong bakuran.
Siguro nga, tama sila
Na takot akong buksan ang aking pintuan.
Siguro nga, ayokong sinu-sino lamang
Ang daraan sa aking paningin.
At baka sila mismo ang magtirik ng kandila
Para sa paghimlay ng aking mga pangarap
Na nais ko pang makamit at maibahagi.
Naisip ko biglang —
Wala naman palang masama
Sa pagtakip natin sa ating mga sarili.
Pagkat kung ang sinasabi nilang pagtago
Ay palatandaan ng kaduwagan at pagiging makasarili'y
Baka araw-araw na rin tayong nagugulantang
Sa mga nakahanay na mga kalansay at mga bangkay
Sa ating mga pintuang pinangangalagaan.
Ang bawat nilalang
Ay may sari-sariling paraan
Sa pag-abot ng kani-kanilang pangarap.
At ang bawat katauhan di’y
May iba’t ibang paksang ipinaglalaban
At patuloy na pinaninindigan.
Kung ang mga pader nati’y
Hahayaan na lamang nating matibag nang basta-basta’y
Tila ba tinalikuran na rin natin ang ating mga sarili.
Pagkat ito’y hayagang kataksilan
Sa ating mga mga sinusungkit pa lamang
Na pangarap na mga bituin.
At kung minsang mapadpad na tayo
Sa pampang ng ating paglisan,
Ay tayo na rin sana ang kusang maging taya
At patuloy na lumaban at manindigan.
Para rin ito sa atin,
Para sa sariling kaligtasan
Laban sa walang pasintabing pagkukutya
Ng mga dayuhan sa ating mga balintataw.
Sana'y kusang-loob tayong magsisipagbalikan
Kung saan natin naiwan at naisantabi
Ang apoy ng ating pag-irog sa ating mga adhikain.
At kung pluma’t papel muli ang magsisilbing armas
Para sa muli nating pagkabuhay,
Ay patuloy rin tayong makikiindak
Sa bawat letra’t magpapatangay sa mga ideolohiyang
Kusang nagtitilamsikan buhat sa ating mga pagkatao.
At hindi tayo magpapadaig at magpapatalo
Sa mga ekstrangherong walang ibang ninais
Kundi yurakan ang ating pagtingin sa ating mga sarili’t
Sila mismo ang gagapos sa ating mga kamay
Upang hindi na muling makapagpahinga
Sa piling ng ating mga pluma’t papel.
May 19, 2022
May 19, 2022 at 10:59 AM UTC
titingnan ko kung may natira pa rin ba sa latak ng tinta ng 'yong alaala o ipinipilit ko lang na palabasin ang iyong anino sa lahat ng aking nakikita o nadarama.
sana makalimutan na kita, kahit pa mahal kita. sa totoo lang nagtapos ang lahat sa isang pagkakamali: ang iwan ka matapos makahanap ng iba. akala ko masyado na kitang mahal at pagkakataon namang ilaan ko ang pagal kong puso para sa iba, pero hindi 'yon nangyari. bumabalik lamang ako sa'yo sa tuwing nakikita ko ang ngiti nila mula sa'yo, o ang mahahaba **** pilikmata kung nakapikit ang mga mata at tangan ang iyong ulo sa balikat ko.
nagniningning ka kahit madaling araw. ang pagkaway ng buwan sa tuwing titingala ako ang nagkakanlong sa ating mga gunita. ikaw ang nakikita ko sa lahat ng aking mga inibig at susubukang ibigin. ikaw lang ang kaya kong balikan matapos layuan. ikaw lang.
ikaw lang ang hindi ko kayang hagkan o halikan kahit gusto ko man. nais kong hawakan ang 'yong kamay o hawiin ang mga buhok sa mukha at tuluyan nang halikan
sa noo.
ikaw lang ang kaya kong lubusang mahalin na hindi ko puwedeng gawin, dahil
takot ako.
lumipas na ang maraming taon ngunit nasasakin pa rin ang takot kong 'to. ang sabi nila matatakutin daw ako, oo pero hindi sa multo o engkanto, kung hindi sa pagmamahal na hindi totoo at mabilis maglaho. hindi ganoon ang pag-ibig ko, marahil ang pag-ibig mo, pero natakot din ako sa'yo. dahil gusto mo pang maglaro at malaki na ako para diyan.
ayaw kong maglaro pa ng habulan o mataya-taya.
hindi na ako bata.
tanggalin mo na ang piring sa mata dahil sa hanapan daga, ako lang ang tanging sasalubong sa'yo at magsasabing, "simula't simula pa lang, ako na ang talo, ako na ang taya."
Jun 24, 2017
Jun 24, 2017 at 2:21 AM UTC
Pinilit lumaban, ngunit sadyang nahirapan,
Isinuko sa tadhana,ang sitwasyong ‘di na tama,
‘Di na kailangan na itong emosyon ay mahirapan,
Kaya’t itong iyong kamay na hinahawakan,
ay kusa ko nang binitawan…
Kusa ko nang hinayaan.
Kusa ko nang pinabayaan…
sa hangin kung saan man,
ang kamay na ito’y ramdam ang kalayaan,
Ang kaginhawaan… ang kapayapaan.
Nagparaya, Nagpaubaya, Nagpalaya.
Bakit tila hirap akong ito’y maunawaan?
Tila hindi mapalagay itong puso’t isipan…
At tunay na umasa sa kamalian…
Kawalan ay tila tinakasan…
Balakid ay aking kinalimutan…
Naglakas loob dahil nasasaktan,
Ininda ang natatanging kahinaan,
At hinarap ang tatlong kalakasan.
NAGPARAYA
Sa tadhana ako’y nagparaya…
Nagparaya na sa kanya’y maging taya,
Nagparaya sa kanyang maging tanga,
At nagparaya sa larong kayduga.
NAGPAUBAYA
Nagpaubaya nang natatanging biyaya,
Nagpaubayang ang luha ay tumulo sa lupa,
Nagpaubayang ang puso ay magambala,
At lamunin ng takot sa muling pagkikita.
NAGPALAYA
Ang huli ngunit kaysakit na aking magagawa,
Nang umabot sa puntong ako’y nagpalaya,
Nagpalaya kahit nagmistula nang kawawa,
Ang pusong nagmahal lamang…
ngunit ‘di nakamit ang laya.
Kaya’t sa huling pagkakataong ako’y gagawa,
Nang aksyong sa salita ko ay aakma,
Ay yun ay ang panahong ako ay…
Nagparaya, Nagpaubaya, at Nagpalaya.
Oct 27, 2020
Oct 27, 2020 at 9:02 AM UTC