Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Arelove Sep 2017
Malabo, magulo, parang guguho ang mga salita. Matanong kita, makata ka ba talaga?

Kung oo ang sagot, bakit parang limot na ng labi at ng kamay mo ang paghabi sa mga tulang minsang bumuhay sayo? Bakit parang hindi na sanay ang utak sa ingay ng patak ng ulan sa paglikha ng pyesang alam mo na ang katapusan?

Anong nangyari sayo?

Marami na silang nagtanong ng ganito. Mga lito sa kung ano na ba ang pinagsasabi ng labi ko.

Sa lahat ng nagpadala ng sulat, at sugat dahil lang hindi ko nailapat ang tamang salita, hindi naipinta ang gustong makita ng mata, patawad.

Hindi na kasi kayang patahimikin ng isip ang puso. Hindi na kayang tabigin, pagkunwariing ayos lang ito.

Sa lahat ng nagpadala ng sulat, at sugat dahil lang hindi ko nailapat ang tamang salita, hindi naipinta ang gustong makita ng mata, patawad.

Hindi na kayang itago ang malabo, magulo't matagal nang gumuhong ako.

— The End —