Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Erikyle Aguilar Mar 2018
Ang isinulat ko ay isang pagtatala mula sa bulag,
na matagal nang ninanais na makakita ng liwanag,
dahil kumpara sa atin, kahit ipikit ang mga mata,
kahit takpan pa 'yan, mayroon pa rin tayong nakikita,
mapa-asul, mapa-dilaw, mapa-pula,
hinding hindi ito aabot sa dilim,
dahil mayroon pa ring mga bituin.

Ito ang pagtatala ng bulag,
"'Nak, kagabi lang ako nakaramdam ng galit sa isang tao,
sa buong buhay kong nakatira sa tapat ng simbahan,
kagabi lang ako nakaranas ng kulo sa puso ko,
kagabi lang ako natulog nang galit,
sana patawarin ako ng Diyos.

Lumapit sa akin ang isang lalaki,
sabi niya, 'Lo, mahirap bang magmahal?',
'Oo, hijo. May asawa ka na ba?',
'Meron **. E lagi ** kaming nagaaway,
kaya umalis nalang ako ng bahay,
ayoko na siyang kausapin,
dahil baka husgahan nanaman ako, baka masaktan lang ulit ako,
baka sabihin nanaman niyang ang hina-hina ko,
sasabihin nanaman niyang hindi na ako natuto sa mga kasalanan ko,
ang dami ko raw nasaktang tao,
wala na silang nagawa kundi tumungo,
dahil sa lungkot, dahil sa insulto,
dahil sa mga salita kong galing sa puso.

Naalala ko sabi ng nanay ko,
na lahat ng sinasabi ko ay galing sa puso,
pero bakit kung kailan ko gustong mabuo,
napakahirap ibalik ang dating ako?'

Ito ang iyak ng isang nangangailangan ng pagmamahal,
isang lalaking may pusong bakal,
ito ang naging payo ko,
'Hijo, kausapin mo ang asawa mo.'

Biglang sigaw niya,
'E ayaw ko nga! Nagkasala rin naman siya,
pareho lang kami,
siya dapat ang lumapit sa akin.'

Parang tinamaan ako ng bala ng baril,
at ang puso ko'y biglang tumigil,
dahil hindi ko naman kayo pinalaki nang mayabang,
kaya hinawaan na ako ng galit,
'Ang yabang mo!
sarado ang utak mo
sarado ang tainga mo
sarado ang puso mo
mas bingi ka pa sa bingi
at mas bulag ka pa sa bulag

ayaw **** mahushagan kasi ayaw **** masaktan,
ayaw **** masaktan kasi ayaw **** matuto,
hindi ka natututo sa mga kasalanan mo,
kasi akala mo na lahat ng ginagawa mo ay ayos na,
hindi mo pinapansin ang kalagayan ng iba,
na naghihirap sa kakaisip kung sila ba ang dahilan,
kung bakit ka nagkaganyan.

Minahal ka nila,
pero hindi mo tinanggap,
minahal ka nila,
pero tinulak mo sila,
minahal ka nila...
hindi mo ba sila mamahalin?

Lalo silang napalayo sa'yo,
nung kinailangan mo ng tulong,
pamilya at pagmamahal'

Wala na akong narinig na boses,
umalis na siya,
sana lang kinausap niya ang asawa niya.

'Nak, tandaan niyo ang payo ko sa inyong magkakapatid,
na 'wag na 'wag kayong maghihiwalay,
dahil pag ako'y nawala,
sana manatili kayong nakadilat sa katotohanan,
na ang kayabangan ay nakakasira ng isang pamilya.".
Crissel Famorcan Oct 2017
Lumaki ako sa paniniwalang ang buhay ay isang kompetisyon,
Na dapat angat ka sa lahat sa anumang sitwasyon  
At sa anumang pagkakataon
Pagkat yun ang sukatan ng tinatawag na tagumpay
Isang bagay na hindi naman sa iyo habangbuhay
Pinalaki ako sa paniniwalang masama ang magkamali
Sa paniniwalang Hindi lahat ng  bagay dapat minamadali
Kaya magpahanggang ngayon ang mundong ginagalawan ko
Malaki ang pagkakaiba sa mundong mayroon kayo
Pagkat nabubuhay ako sa takot
Takot sa pagkakamaling maari Kong magawa
Takot na baka isang araw, mahila ako pababa
Takot na isang araw,  lahat ng meron ako,  Bigla na lang mawala
Na baka isang araw, magising na lang akong nakatulala
Hindi ko na alam ang gagawin  
Lakbayin ko ba'y makakaya ko pang tapusin?
Sa labing anim na taon ng aking  pamumuhay
Ang pinakamahirap kong ginawa: sa mundo'y makibagay
Pagkat sa bawat pagbabagong aking  nasasaksihan  
Kaakibat ang panibagong bigat sa kalooban  
Dahil takot akong bitiwan ang nakasanayang paniniwala
At ang takot na'to ang nagsisilbi kong tanikala
Tanikalang pumipigil sa aking paglago
At sa pag-angat ko'y pilit na nagpapahinto.
Alam kong balang araw,darating ang oras Mahahanap ko ang natatanging lunas
Para sa nagtatagong takot sa loob ko
At darating ang araw na makakalag ko rin ang tanikalang 'to!
Raindrops Jul 2017
Salamat sa walang sawang pakikinig sa mga kwento ko
Sa mga pangaral sa mga simpleng problema at pangyayari sa buhay ko
Ikaw ang unang nakakaalam pag may problema ako.
Kapag naiinis ako, nagtatampo, masama ang pakiramdam o nalulungkot
Sobrang nagpapasalamat ako sa pagiintindi mo sakin.
Kahit minsan makulit ako
Ipinagmamalaki ko sa lahat na ikaw ang mama ko
Kasi pinalaki mo ko ng maayos
Salamat din sa walang sawang pagsuporta saakin sa lahat ng bagay.
Sa pag compliment ng mga drawings ko hehe
Dahil dun napapalakas mo ang loob ko:3 
Pinapalakas mo ang loob ko palagi
Salamat sa paniniwala na kaya kong lampasan ang mga problema sa buhay.
Salamat kasi kahit kailan hindi ko naramdaman na kailangan ko maging magaling na anak para maging proud ka sakin.  
Salamat kasi yung mama ko yung pinakanakakaintindi sakin.
Ikaw ang pinaka bestfriend ko sa lahat.
Lahat nang yun naaappreciate ko ng sobra sobra.
Levin Antukin Jun 2020
ilang beses mo itinatakda sa telepono
ang alarmang gigising sa 'yo kinaumagahan?
tipong ididilat mo na lamang ang mga mata,
magdadasal, babangon, iinom ng mainit na kape,
at wala nang iba.

sana ganoon din dito sa amin.

sa munting tahanan namin dito sa mandaluyong,
pinalaki kaming alerto sa wangwang ng mga bumbero.
ito ang alarmang gigising sa 'min
kahit kami'y mga gising na.
mapapipikit ang mga mata sa takot,
sabay takip ng tainga,
dahil sa sunod-sunod na sunog,
tanaw mula sa bintanang karatig ng kama.

paano nga ba matulog nang nakatatak sa isipan
ang sangkatutak na pamilyang walang matutulugan?
tag-ulan pa naman, maaaring bumaha.
at sa tanghali kinabukasan ay bilad sa lansangan.

paano nga ba matulog sa ugong ng mga trak
na kumakalampag sa dingding,
nanunuot ang alingawngaw sa balat?

paano nga ba matulog sa ilalim ng kahel na kalangitan?
takipsilim sa pagsapit ng alas-dyis ng gabi.
kinain ng nagniningas na apoy ang orasan.

pribilehiyo na
ang tanungin ang sarili
kung paano ka gigising bukas

'pagkat paano nga ba sila matutulog?

— The End —