Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jeremiah Ramos Apr 2016
Bago ka umalis,
Sana pakinggan mo muna ako,
Pakinggan mo ang mga bulong sa isip ko tuwing nakikita ka
Sana hindi ito maging isang alaalang makakalimutan
Mga salitang papasok at lalabas din naman
At sana dalhin mo 'to sa pag-gising at pag-tulog mo
At alalahanin na para sa'yo to.

Hindi na kita mahal
Hindi na kita mahal
Makinig ka sa'kin.
Hindi. Kita. Minahal.
Hindi. Kita. Minahal

Ilang beses ko man ulit-ulitin sa sarili ko
Na minsan nawawalan na ng saysay ang salitang mahal
ang salitang ikaw, ang pangalan mo sa isip ko
Pero hindi pa din nawawalan nang saysay ang mga alaalang naiwan mga alaalang nakalimutan, at 'di ko alam kung tama bang binabalikbalikan ko
Ang gabing napagtanto ko na nahuhulog na pala ako sa'yo

Hindi na kita mahal
Na kahit lahat na siguro ng tulang sinulat ko ay para sa'yo
kahit lahat na siguro ng metaporang alam ko ay na inahalintulad ko sa'yo
Isa kang bulalakaw, isa kang bituin, ikaw ang buwan
Ikaw ang bumubuo sa ganda ng gabi,
Ikaw ang araw, ikaw ang mga ulap, ikaw ang langit,
Ikaw ang buong kalawakan na hindi ko kailanman pagsasawaan
Ikaw ang karagatan, mahiwaga at kapanga-pangambang sisirin,
Ikaw ang apoy, na nagpapaliwanag at nagpapainit ng gabing malamig
Ikaw ang librong 'di ko kinakailangan ng pahinga
Para intindihin ang bawat salitang nakalimbag sa bawat pahina
Ikaw ang sining ko
Ikaw ang tulang ito.
Para sa'yo at tungkol sa'yo.

Hindi kita minahal,
Kahit na lagi kong inaabangan ang mga storyang kwinekwento mo
Na para bang hinahatak mo ako pabalik kung kailan nangyari ang mga 'to
at sinamahan ako para panuorin natin
Kung sino ba ang nandito at nandoon
Kung nasaan ang mga silya, lamesa, pintuan, at bintana
Ang mga pangalan ng mga minahal mo at nagmahal sa'yo na dapat mo na sigurong kalimutan
Kung saan kayo nagkakilala,
Kung anong naramdaman mo nung nahuli mo siyang nakatingin din sa'yo at nagkasalubong ang inyong mga mata
At sa lahat ng storya mo,
Napagtanto ko na ayoko maging parte ng mga storya **** nakalipas. Na sana ako ang storyang hindi mo kailanman iisipin na bibigyan ng wakas.
At ikwento mo din sana ang gabing ito
Ikwento mo ang bawat paghinga ko sa bawat puwang ng mga salita
Ang pagbuka ng bibig ko para sambitin ng tama ang bawat pantig, ang pag nginig ng mga kamay at tuhod ko,
At kung maririnig mo man, ang bilis ng tibok ng puso ko ngayon.
Ikwento mo.
Ibulong mo sa pinakamalapit **** kaibigan, para manatiling sikreto.
Ang tinatagong nararamdaman na 'di mo na siguro kailangan malaman.

Tama lang siguro na magkaibigan tayo,
Kasi
Hindi na kita mahal.
Hindi kita minahal.
Pinilit ko lang ang sarili kong mahulog sa'yo
Pinilit lang kitang mahalin
Para makalimot, para iwanan ang dating naramdaman.

Gustohin ko man ulit-ulitin sabihin sa'yo,
Magsasawa ka sa bawat pantig, sa bawat letra.
Kaya ibubulong ko na lang sa sarili ko, para manatiling sikreto
Ang dating nararamdaman na hindi mo na kailanman malalaman.

Kaya bago ka umalis,
Sana pakinggan mo muna ako,
Sa huling pagkakataon pakinggan mo ang katotohanan
Isantabi mo ang mga bulong sa isip ko na napakinggan mo.
At sana tandaan mo na
Dati, at dati lang
Minahal kita.
Para kay __.
Angel Tomas Sep 2015
Naaalala ko pa ang araw na una kong masilayan ang ngiti sa iyong mukha.
Para bang biglang nagliwanag lahat ng tala sa langit.
Para bang isang eksena sa isang pelikulang patok sa takilya.
Para bang kaya ko atang sumulat ng ilang pahina ng paglalarawan at paghahalintulad nito sa mga bagay na aking hinahangaan.
Para bang bumilis ang pintig ng puso kong matagal nang nakaupo’t nananahimik.
Para bang maraming sumasabog na magagarang kulay sa paligid, sa aking katawan.
Para bang kilala ko ata ‘yung ganitong tagpong naglalaro sa aking isipan.
Para bang alam ko rin ata ang kahihinatnan ng lahat.
Para bang hindi ata sa akin ang matamis na pag kurba ng iyong labi.
Para bang lahat ng ito ay isang pagnanais sa isang pangarap na lipas na.
“Para saan?” Tanong ko. Hindi mawala-wala ang ngiti sa iyong labi.
Para bang nakita kong sinindihan ang aking mundo at panuorin ‘tong gumuho sa harapan ko.

“Para sakanya.” Hindi sa’yo, sa kanya.
Para sa'yo.
Christien Ramos May 2020
Kumusta?
Hangad kong nasa mabuting kalagayan ka.
Ilang linggo ko nang hindi nasisilayan ang mga ngiti mo;
na kahit bihira,
nakahahawa.
Matagal-tagal na rin noong huli kong narinig
ang ‘yong mga halakhak;
na kahit mahina,
dama ko ang ligaya.
Maging ang katahimikan mo’y
hindi ko pa rin limot
Hindi nakasasawa ang hindi mo pagpansin sa akin.
Huwag ka mag-alala,
hindi ko minamasama ang mga pagsasawalang-kibo.
Sariwa pa rin ang mga pagkakataong lumagpas ka sa harapan ko
Sa katunayan, gabi-gabi kong ipinagdarasal na darating din ang araw na lilingunin mo ako.
At ngayon ngang ‘di tayo nagkikita’t nag-uusap
Yayakapin ko ito bilang paghahanda.

Hindi ba’t pamilyar ka naman sa mga taong sinusungkit ang mga bituin at buwan?
Pagkatapos ay iaalok sa kanilang mga kasintahan
Na para bang mga prutas na hinintay nilang mamunga sa kanilang mga bakuran.
May kakilala ka nga yatang tumawid daw sa maraming ilog at umakyat ng pagkakatayog na mga kabundukan
Sinaluhan sa hapunan ang mga diwata’t
Pumaslang ng mga halimaw kinabukasan;
upang siya’y puntahan.
Marahil ay narinig mo nang may minsang pumasan ng daigdig para sa kaniyang nobya
Ngunit sa huli’y hindi naisakatuparan.
Umasa ang nobya.
Umiyak ang nobya.
Ang nobya marahil ang pumasan sa halip na siya
May isa nga sigurong nagmalaki na bubuo raw ng pira-pirasong ikaw
Na tila kontrolado niya ang mga piyesa ng buhay mo.
Pamilyar, hindi ba?
Ngunit,


hindi ganito.
Hindi ganito ang aking paano.

Oo. Naiintindihan kong ang ilan sa mga ito ay idyoma o eksaherasyon lamang
Pero nangangamba ako na baka pagod ka na;
Na baka nabibingi na ang iyong mga tainga
Sa paulit-ulit na pangangako;
Na kahit ang talulot ng mga mabubulaklak na salitang ‘to ay
tuyo na.
kahihintay sa tapat at sa tunay.

Ayokong magpaganggap.
Pagod na rin akong magkunwa-kunwariang kaya ko ang lahat.
Dahil sinta, hindi.

Hindi ko masusungkit ang mga bituin at buwan
pero handa akong samahan kang panuorin sila.
Hindi ko kayang sa isang araw ay tumawid sa maraming ilog at umakyat ng kabundukan
pero ituturing kong mahalaga ang bawat oras na kasama ka
Aking pagtatrabahuhang makarating sa araw na palagi kitang kasama sa hapunan
at sabay nating papaslangin ang mga pangamba sa umaga.
Hindi ang daigdig; ngunit
Pakakawalan ko ang mga pasan-pasan kong takot;
Kawalan ng tiwala sa sarili;
Ang inggit.
Hindi ito pagbabanta, sinta.
Pero ipanganganak ang mga araw
Na aasa ka;
Na iiyak ka.
Subalit, wala itong kakambal na paglisan.

Uulitin ko.

Ayokong magpaganggap.
Pagod na rin akong magkunwa-kunwariang kaya ko ang lahat.
Dahil sinta,
Hindi

kita iiwan.

Ganito ko marahil sasabihin sa'yong gusto kita
Pakapakinggan mo sana.
---
I miss you, mei ;(

— The End —