Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
kingjay Jan 2019
Nahahabag sa sinta
Tulad ng dapit-hapon, ang araw ay papalubog na
Ang pangkukulam ay hindi magagawa
Diyos na dakila na ang bahala

Sa bagong paraiso'y maninirahan
kung saan ang bundok ay hinahampas ng alon ng dagat
Ang kalungkutan ay malumanay nang sinasakbibi ng puso na dinuruan ng pag-ibig

Kung sakaling mapunta sa dating tahanan
Ang Liham sana'y mahanap
Sapagkat sa mga naisulat naipapakita
na nasa puso't diwa si Dessa lang ang nilalaman

Ang pag-ibig ay buhay
at ang mga buhay ay nangagsipanaw
Kung gayun ang pag-ibig ay nangagsipanaw na din gaya ng buhay ng takipsilim
kingjay Jan 2019
Binagtas ang rumaragasang ilog
Tubig sa leeg ay lampas
Sa lusak pa rin sumayad ang talampakan
kahit nagsitaasan na parang alon
-makupad nang umahon

Naaninag sa tumok ng kugon ang kweba
Doon nagpasyang humimpil
Di muna bumalik ng tahanan
dahil ang sidhi ay di masupil,
ang sakit ay di matigil

Sa kapanlawan ay tumambad sa isip
ang pamana ng itay na parati sa lukbutan- isang papel
Nakasulat ang iba't ibang matalinhagang pangkukulam
di maka-Diyos, maaaring di maka-totohanan

Paano kung sisimulan sa katapusan
Masaliwa ang lahat na nagdaan
Kung makukuha ang pintuho ng paraluman
na siyang puno't dulo ng napapariwarang pag-iibigan
ay doon lamang magkaroon ng tiwasay

Bago ang kulam
Gustong isiwalat ang talambuhay
para lalo watasan
Sa bawat pahina'y mapa timbang-timbang
kung sino ang ihuhukom sa hangganan
kingjay Apr 2019
Sa tag-init ay nagdidikdik ng asin
Sa tag-ulan ay kakainin ang bunga ng pananim
Ano ito ang nakatagong sakit
na ipinunla ng mga luha

Dahil sa hindi masabi sabi
ang sinta
kaya ba na muntik na gawin ang pangkukulam kay Dessa
Kasalanan na kaagad may parusa
Lumalalim na ang tampo sa kanya

Pagsuyo na pinag iingat-ingatan
ay punyal na nakatarak sa puso't isipan
Mas mabuti kung nakakalimutan
Ngunit sumpang ala-ala na bumabalik hindi nagtatahan

At kapag lasing na ay nagiging madaldal
Mahangin ang wika, sa kataas - taasan ay umaapaw
Kung mananahimik ay parang nakakulong sa bahagi ng mundo

Sa prusisyon ay hindi maglalakad
Ang luhang dumausdos sa pisngi ay wala ng makababakas pa
kahit patak man ng natutunaw na kandila
kingjay Dec 2018
Binura ang sinalungguhitang alyas
Ang nag-alsa na biyas
Ang kaya ay katamtaman na hulugbigat
Dahil sumunong nang kapalaluan,
tumiklop ang tuhod

Simulang pagtingin ay noong una na nabighani
Nababaliw sa sinundang pag-ibig
Sa mala-rosas na labi at mala-kristal niyang mata na may salamin

Umaapaw na giliw ay sa kanya nakalaan
Kung sumandig man sa ataul ang katawan
Mahukay sana ang pinipintuho - bigay ng kalangitan bago mamayapa

Kahit mali ang pangkukulam ay gagawin para manipulahin ang manika
Mamangha sa mahika na taglay
Ganun kung magmahal, kahit balakyut dapat ay tupdin

Kumuha ng ilang hibla ng kanyang buhok
Tapos isinuksok sa bestida na kahapon niyang isinuot
Ginupit at lumikha ng damit ng manika
Sinambit ang inkantasyon ng pag-ibig

— The End —