Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
JOJO C PINCA Nov 2017
“Dream as if you will live forever; live as if you will die today.”
― James Dean

Matagal ko nang itinigil,
Matagal ko nang kinalimutan,
Matagal ko nang hindi sinubukan,
Matagal na at hindi ko na nga halos
Matandaan kung kelan ‘yong huling
Beses na sumulat ako ng tula.

Sinadya kong kalimutan ito
Sapagkat akala ko’y wala akong halaga,
Na hindi ko kayang kumatha na ako’y
Nag-aaring ganap lamang at isang
Hamak na mapag-panggap.

Pero may mga bagay na sadyang
hindi madaling makalimutan,
May mga pangarap na hindi mo kayang
Bitawan nang ganun-ganon na lang.
May mga bulong ang puso na hindi
Mo kayang ipagwalang bahala.

May mga panaginip na hindi nawawaglit,
Parang hininga na hindi basta-basta napapatid.
Maiksi lang ang buhay kong taglay,
Kaya ayaw ko nang mawalay pa
Sa pagsulat ng tula na minsan ko’ng minahal.
Kaya’t heto ako't muling nagbabalik.
Kylie Apr 2020
Noong araw ng aking pag alis
Hindi maipaliwanag ang pagtibok na kay bilis
Kasabay nang bawat hakbang ng aking mga paa
Ang naguumapaw na takot at kaba

Ngayo’y nakalipas na ang ilang buwan
maraming araw na ang dumaan
Subalit, tila hanggang ngayon
Masyadong mabilis ang pagdaan ng panahon

Pilit na hinahabol ang takbo
Upang makasabay sa mga kasalukuyang tagpo
Ngunit, masyadong mabilis
Hagupit ng pagbabago’y nagmamalabis

Buong akala’y natanggap na
Pero damdami’y nagpapanggap lang pala
Sapagkat sa tuwing sasapit ang gabi
Mananatiling tikom ang mga labi
Habang ang mga luha’y isa-isang pumapatak
At ang mapag panggap na mukha ay dahan dahan nawawasak

Ang mga alaala’y unti unting bumabalik
Na tinatapik ang puso ng isang batang nananabik
Na bumalik sa mga bagay na  nakasanyan sa nakaraan
Kahit na ang susunod na pagkikita’y walang kasiguraduhan

Hanggang kailan mangungulila sa buhay na kinagisnan?
Hanggang kailan hahanap hanapin ang dating tahanan?
Matatanggap pa ba ang reyalidad na hinaharap?
O makakasanayan nalang hanggang sa makalimutan ang hindi matanggap?

— The End —