Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
El Dec 2017
Hindi ako mahal.
Hindi ako ang mahal.

Isang salita lang ang dumagdag ngunit parang isang katutak na patalim ang pinukol sa aking puso
Pigang-piga sa paulit-ulit na pananaksak, pagsasawalang bahala
Hanggang sa maging abo nalang ang dating apoy na nagbabaga
at ang mga dating "Tama na," "Ilan pa ba," ay nagiging "Sino ba siya?"

Sa paulit-ulit na pagwasak sa puso kong dati nang durog,
at sa ating mga pagsasama kung saan ang kanyang pangalan ang tanging tunog
Walang tigil ang hangin sa pag-duyan ng isang paumanhin
sa pag-ihip papunta sa puso kong kapos ng iyong pag-tingin —

Mahal, huwag kang humingi ng tawad
dahil hindi lang ikaw ang nagwasak sa akin
Huwag na huwag kang humingi ng tawad
dahil lang siya ang iyong iniibig
Huwag ka nang humingi ng tawad
dahil lang hindi mo ako kayang mahalin.
Originally written last November 27, 2017 for a visual poem.
JOJO C PINCA Nov 2017
“Real generosity towards the future lies in giving all to the present.”
― Albert Camus

Kung gusto may paraan, kung ayaw laging may dahilan. Pero may mga taong sadyang mahina kaya’t nahihirapan makahabol. May mga naghahabol naman na hindi talaga umaabot. Kahit anong gawin walang nasasambot, parang bunga na laging bubot at mukhang hindi na mahihinog. Hindi mo kailangan na maging alipin ng sistema kung ito ay iyong isinusuka. Kumawala ka at maging palaboy kung kinakailangan. Ibinabaon ka ng mga sama ng loob at ng matinding awa sa sarili. Hindi dapat maging ganito ang buhay.

Dalawang taon nang pagtitiis, dalawang taon na puro hinagpis at dalawang taon na panay tanggap ng mga galit at paninisi. Tama na, ito na ang panahon para wakasan ang lahat. Sapat na ang mga pagpapakumbaba at pagsasawalang kibo. Hindi ka aso, tao ka tandaan mo yan. ‘Hwag mo’ng ipilit kung hindi naman talaga sukat dahil kahit anong pilit hindi ito babakat. Maging karapt-dapat ka sa paggalang na dapat ibigay mo sa’yong sarili. Tama lang yan magpahinga kana.

Ang mundo ay de-kahon hindi kapa isinisilang ganito na ito, wala ka nang magagawa para baguhin ito. Pero ‘pwede kang kumawala, maging rebelde at lagalag. Oo, maghimagsik ka laban sa mapang-dusta na sistemang umiiral. Patunayan sa kanila na kaya mo’ng mabuhay sa labas ng sapot na bumabalot. Hindi ka balut kundi tao kaya hindi ka dapat na matakot kahit naglipana pa ang mga salot. Hindi ka dapat na lumuhod at magmaka-awa sa mga taong umaastang panginoon.

May mga nag-di-diyos-diyosan na mga kupal na nasa lipunan na ang paboritong tapakan ay ang mga mahihina at hampas-lupa na tulad mo; mga putang-ina sila na walang alam gawin kundi ang mang-api ng mga taong kapos sa dunong at pinag-aralan. Ganito ang sistema ng lipunan, ganito kabaho ang mundo na pinatatakbo nang mga walanghiyang tao na kung umasta ay aakalain mo’ng mga kagalang-galang. Mga hindot sila na walang pakundangan sa damdamin ng iba maitanghal lamang nila ang huwad na kadakilaan ng kanilang nabubulok na mga sarili.

Tama lang ang ginawa mo, tama lang na kumalas ka sa naaagnas na sistema na nagkukubli sa loob ng mga magagarang opisina. Tama yan, itakwil mo ang mga panlalait na pinakikinis nang mga salitang Inglis na inilalagay sa mga dokumento. Panahon na para maging totoo ka sa iyong sariling damdamin at pagkatao. Binabati kita dahil sa wakas nagpasya ka ng may katapangan – sana noon mo pa ito ginawa. Ako na ang sasalo sa natitira mo’ng kalat, ako na ang haharap sa mga halimaw na iyong tinakasan.
Para kay Rey
Christien Ramos May 2020
Kumusta?
Hangad kong nasa mabuting kalagayan ka.
Ilang linggo ko nang hindi nasisilayan ang mga ngiti mo;
na kahit bihira,
nakahahawa.
Matagal-tagal na rin noong huli kong narinig
ang ‘yong mga halakhak;
na kahit mahina,
dama ko ang ligaya.
Maging ang katahimikan mo’y
hindi ko pa rin limot
Hindi nakasasawa ang hindi mo pagpansin sa akin.
Huwag ka mag-alala,
hindi ko minamasama ang mga pagsasawalang-kibo.
Sariwa pa rin ang mga pagkakataong lumagpas ka sa harapan ko
Sa katunayan, gabi-gabi kong ipinagdarasal na darating din ang araw na lilingunin mo ako.
At ngayon ngang ‘di tayo nagkikita’t nag-uusap
Yayakapin ko ito bilang paghahanda.

Hindi ba’t pamilyar ka naman sa mga taong sinusungkit ang mga bituin at buwan?
Pagkatapos ay iaalok sa kanilang mga kasintahan
Na para bang mga prutas na hinintay nilang mamunga sa kanilang mga bakuran.
May kakilala ka nga yatang tumawid daw sa maraming ilog at umakyat ng pagkakatayog na mga kabundukan
Sinaluhan sa hapunan ang mga diwata’t
Pumaslang ng mga halimaw kinabukasan;
upang siya’y puntahan.
Marahil ay narinig mo nang may minsang pumasan ng daigdig para sa kaniyang nobya
Ngunit sa huli’y hindi naisakatuparan.
Umasa ang nobya.
Umiyak ang nobya.
Ang nobya marahil ang pumasan sa halip na siya
May isa nga sigurong nagmalaki na bubuo raw ng pira-pirasong ikaw
Na tila kontrolado niya ang mga piyesa ng buhay mo.
Pamilyar, hindi ba?
Ngunit,


hindi ganito.
Hindi ganito ang aking paano.

Oo. Naiintindihan kong ang ilan sa mga ito ay idyoma o eksaherasyon lamang
Pero nangangamba ako na baka pagod ka na;
Na baka nabibingi na ang iyong mga tainga
Sa paulit-ulit na pangangako;
Na kahit ang talulot ng mga mabubulaklak na salitang ‘to ay
tuyo na.
kahihintay sa tapat at sa tunay.

Ayokong magpaganggap.
Pagod na rin akong magkunwa-kunwariang kaya ko ang lahat.
Dahil sinta, hindi.

Hindi ko masusungkit ang mga bituin at buwan
pero handa akong samahan kang panuorin sila.
Hindi ko kayang sa isang araw ay tumawid sa maraming ilog at umakyat ng kabundukan
pero ituturing kong mahalaga ang bawat oras na kasama ka
Aking pagtatrabahuhang makarating sa araw na palagi kitang kasama sa hapunan
at sabay nating papaslangin ang mga pangamba sa umaga.
Hindi ang daigdig; ngunit
Pakakawalan ko ang mga pasan-pasan kong takot;
Kawalan ng tiwala sa sarili;
Ang inggit.
Hindi ito pagbabanta, sinta.
Pero ipanganganak ang mga araw
Na aasa ka;
Na iiyak ka.
Subalit, wala itong kakambal na paglisan.

Uulitin ko.

Ayokong magpaganggap.
Pagod na rin akong magkunwa-kunwariang kaya ko ang lahat.
Dahil sinta,
Hindi

kita iiwan.

Ganito ko marahil sasabihin sa'yong gusto kita
Pakapakinggan mo sana.
---
I miss you, mei ;(

— The End —