Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Poti Mercado Jan 2018
Puno ng init ang unang higop ng kape
Nakakapaso ngunit ramdam mo ring gumuguhit ito sa iyong mga ugat
Hanggang sa umabot na ito sa iyong pusong bumibilis na ang pagtibok
Sa iyong mga kamay na walang tigil ang panginginig
Sa iyong mga matang mulat na mulat sa hating-gabi
At sa iyong mga bibig na nananatiling bukas at handang sabihin ang lahat ng ninanais

Ngunit sino ba ang iyong kape?
Ang nagbibigay sa’yo ng panandaliang lakas?
Sino ba siyang nagiging rason para manatili kang gising sa gabi kahit gustong-gusto mo nang matulog?
Sino ba siyang nagdudulot ng matinding panginginig sa iyong mga kamay at tuhod sa tuwing nakikita mo siya?
Sino ba siyang nagpapabilis ng pagtibok ng iyong pusong naghahanap lamang ng panibagong taong mamahalin habang inaantay **** mawala ang paso sa iyong dila na nadulot ng iyong nakaraang baso ng kape na punong-puno ng pait?

Ayan na’t naglalakad na siya papunta sa’yo
Inaantok ka pa at walang kamalay-malay na nariyan na pala siya
Papalapit nang papalapit hanggang sa nauwi nang magkahawak ang inyong mga kamay at ayan na naman
Ang pagbilis ng tibok ng iyong puso
Ang walang tigil na panginginig ng iyong mga kamay
Ang pananatiling bukas ng iyong mga mata
Kahit gusto na nitong pumikit, magpahinga, at mamaalam na sa ginagalawang mundo

Ngunit tulad ng epekto ng kapeng iniinom mo araw-araw
Papawi rin ang pananabik at pagkamulat ng iyong mga mata
Mapapagod din ang iyong pusong nalasing na sa dami ng kapeng iyong nainom na akala mo’y matamis ngunit nag-iiwan din pala ng mapait na bakas sa iyong mga labi
Titigil din ang panginginig ng iyong mga kamay
Sadyang panandalian lang at hinding-hindi na tatagal
Sapagkat siyang kape na nagbibigay sa’yo ng lakas
Ay siya ring kape na inubos mo hanggang sa huling patak
Mico Saclot Mar 2021
Sanay na sa tapang ng kape
Mapa-barako, cappuccino, espresso
Instant coffee, iced coffee o galing
Man yan sa vendo machine.
Wala nang bisa ang caffeine

Di na ramdam ang nerbyos,
Maski ang biglaang palpitations.
At hindi kompleto ang mga gabi
Kung walang ang init, mula sa
Tasang tangan, upang ibsan ang ginaw.

Saksi sa matang puyat
Sa mga gabing walang inspirasyon
Sa tuwing nagsusulat
Sapagkat ngayong gabi ay iba na
Ang dahilan ng patuloy na pagdilat

Di na kape ang dahilan ng kaba,
Ng pagbilis ng puso at paghinga.
Marahil nga ay mas malakas ang tama nya.
Dahilang kasabay ng pagkataranta
Ay ang tulo ng pawis mula sa likod ng tainga.

Sya na rin ang isinisigaw,
Sa bawat tintang ipinahid
Na nilangkapan ng maliliit na patak ng kape
Na nagmamantsa sa sinintang pahina.
Ang bawat piyesa ay may ibang kulay na.

Hindi pala kape ang gigising sa diwa,
At hindi rin ito ang magiging dahilan
Ng pagkabalisa, Sapagkat narito ka
Ikaw na nagbigay ng malakas na tama
Tamang kung minsan ay di na pala tama.

— The End —