Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Katarungan nasa'n? Inapakan, dinuraan
Ng mga taong niluklok para paglingkuran
'Tong bayan nating lubog, at dugoan
Magkano? Sanlibong baryang dinumihan

Libong buhay ang tinapos, musmos, at mga naghihikahos
Mga nanay na nawalan ng anak, mga batang di pa tapos
Droga? Talaga ba? Ang sabi mo ay kayang-kaya?
Tatay Digs, pano na? Bat biglang 'di pala kaya?

Sanlibong tanong sa bawat buhay na binawi
Diyos-diyosang maitim ang budhi
Bata, matanda, babae, estudyante
Nanlaban daw, kaya niyaring nakatali

Bayan kong minamahal, dito na lamang ba?
Naka duct tape ang mukha ni inang hustisya
May dyaryo, at may nakapaskil na larawang
'WALANG HUSTISYA, WAG TULARAN'
Kent Delos Reyes Nov 2020
Ngayong lumipas na ang temang nakasanayan
Silip banayad sa kahapong dagliang dumaan
Pikit man ang mata, alaala naman ay pabulong
Hikahos sa hanging hindi naman tunay na yumao

Niyaring tinapos ang kasalukuyan sa halina't
Imahe ng kapayapaan sa kabilang daungan
Lingid sa ibabaw ng katinuan na ang bangka
Lumutang man ay di masasakyang tuluyan

Bigkas ay mga hikbi sa bawat pagsulong
Hanggat ang biyak ay hindi tuluyang magtagpo
Sa harap ng dahas at galit ng ilog sa pagitan
Paglubog ng liwanag ay syang di maiiwasan

Niyaring tinapos ang kasalukuyan sa halina,
Silip banayad sa kahapong dagliang dumaan
Sa harap ng dahas at galit ng ilog sa pagitan
Pagkalunod sa sariling luha'y syang di iiwasan

— The End —