Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jun Lit Oct 2018
Nilisan kong hubad ang pinaglunuhan,
Enero, Pebrero, Marso ng kabataan
Lubi-lubi ang awit sa tiyang kumakalam
balatkayong pinasikip ng mga agam-agam
mga ala-alang pilit naglulungga, inipit na liham
sa yungib ng pipíng isipan.

Sa pagtalikód ko’y hiniwa
ng balaraw ng panghihinayang
ang banig na naidlip saglit
sa magdamag na paglalamay
banig na nilala ng mga dekada
mula sa mga hibla ng pagsusumikap.

Paalam,
kaibigang nabingi sa tawag ng luho
Walang alinlangang maririnig mo rin
ang tibok at bulong ng puso
Ninais ko sanang samahan mo ako
at ating anihin
ang mga uhay na mula
sa binhing ipinunla
sa mga alapaap.
Ninais kong lasapin
ang matamis na bunga,
pinahinog ng tiyaga
at patuloy na pag-asa.

Subalit
dagtang makapit,
luhang mapait,
kumikirot ang lupa
sa patak ng namuong dugo
ng bayaning nagbuwis
ng sariling pagsuyo.

Kikitlin ng Nobyembre
ang bawat naiwang himaymay
sa lamig ng yakap ng amihan
- akala’y dakila ang dayuhang niyebe.
Mamamaluktot muli sa maigsing kumot
hanggang sa magising
sa aguinaldo ng Disyembre
at pagpasok na naman ng Bagong Taon
walang kamatayang panahon
aasa na naman sa ****
na iba ang pangako at iba ang tugon
sa dalangin at maraming tanong

Ah sanga pala, Abril, Mayo, Hunyo noon.
Oktubre - Filipino word for October; for several years now, sometime within my birth month, I unconsciously start to reflect on events in my life and the places I call home.
owt 2h
"Maskarang Walang Mukha"
(Anino ng Gyera)

Namuong peklat ng kasaysayan
Ang bakas ay nanuot sa puso’t isipan.

TATSULOK na kalaban —
Walang korona, ngunit makapangyarihan.
Walang trono, ngunit hari-harian.
Walang kawal ngunit lahat tau-tauhan.


Timbangin ang yaman:
may bakal na paninindigan.
mabigat na hidwaan,
Umiikot na katiwalian.

Tinatali.
Sinisindak.
Hinahati.
Nililinlang.

At ang takot ay anyong nananahan.
habang ang mga sugat ay naghihintay
madampian
Ng panatang nag-aapoy —
ngunit ang dulot lang ay usok at panaghoy.

Habang tayo’y nagsisisihan,
Sila nama’y nagngingisihan.

Ang “walang mukha”
Di mailarawan,
Nagtatago
Sa likod ng
MASKARA
Na ating kinamulatan.

Sinabit na MASKARA —
Karangalan — may dungis at mantsa.
Katotohanan — may luha.
Kalayaan — ngunit paralisa.
Katarungan ba o tanikala —

Para saan ba ang bomba at bala?
Sandata ba o  sumpang ipapamana?

Kamatayang —
Hukay ang iniiwan.
At ang kahirapan ay libingan.

Kapayapaang  —
Umaalingawngaw
Sa umuugong na katahimikan.

At ang lipunan?
na isantabi...
Nalipon ng sakit,
At kasinungalingang
Nakakabingi.

~At kung patuloy natin susuotin...
MUKHAng — tayong lahat rin...
ang biktima, at salarin.


----------------------------------------------


"Bulo­ng ng Dahon"
(Himig ng Kalikasan)


Sa mundong puno ng
kulang,
sapat,
at sobra —

tayo raw ay mga dahon.

Sumisibol.
Lumalago.
Nalalanta.

Kumakalas.
Tinatangay.
N­awawala.

Ngunit sa ating pagkawala,
doon raw tunay
na matatagpuan ang sarili.

Sapagkat sa bawat pagkalagas,
ay simula ng panibagong pag-ugat.

At kung ako nga ay isang dahon,
siguro ako 'yung uri ng dahon na...

hindi basta bumibitaw, kahit taglagas.
Sumasayaw pa rin sa hangin, kahit lumakas.

Sinasalo ang patak ng ulan.
At sa araw —
nakikipagtitigan.

Ako’y lilim rin
sa liwanag ng buwan.

Aninong masisilungan
kapag kailangan.

Ngunit marahang kumakawala,
pag ang baha'y rumaragasa —

upang magpatangay sa agos,
habang nakalutang sa hangin.

Minsan lunod sa alon,
ngunit 'di salungat
sa lalim.

Ako’y dahon
na may sariling landas —
kahit malihis,
o maligaw
sa tatahakin.

Ikaw ba?

Anong klaseng dahon ka
sa panahon mo?

‘Yung madaling kumawala?
O 'yung pilit na kumakapit?

‘Yung natatangay?
O 'yung naglalakbay?

Basta ako —

ako ang kapirasong dahong ligaw.
Karugtong ng bawat hibla ng ugat.
Tinatahi ang tagpi-tagping mga balat.

Sumisibol.
Lumalago.
Nalalanta.

Kumakalas.
Tinatangay.

­At
nagtataka:

Na kung tayo’y mga dahon
sa iisang puno —

maaari kayang malaman
kung sino ang ugat,
at ano ang bunga
ng ating pagtubo?

Pero...

kailangan ba talagang
hukayin ang lalim ng ugat?

O mas karapat-dapat
na magpalago na lang sa sanga,
bago pa tuluyang matuyo
ang mga tangkay?

Kasi baka ang tunay na saysay —

hindi lang nasusukat
sa bunga,
o pakay —

kundi nasa halaga rin
ng ating paglalakbay
at
pagkabuhay.

...{𝒷𝓊𝓁𝑜𝓃𝑔 𝓃𝑔 𝒹𝒶𝒽𝑜𝓃,
at ng damdaming
hindi mapa-amin —
sapagkat palaging
hinihipan ng hangin...}

At marahil,
ang tugon sa lahat ng tanong —

ay hindi sa paghahanap,
kundi
sa pananahimik.

Kasama ng agos.
Ang ihip.
At ang malumanay na huni
ng mga ibon sa paligid.


Bulong na dinig —
kailangan lang
pakinggan muli.


---------------------------------------


"UGAT"
(katatag­an at katapatan)

Kung ikaw ay dahon
na dinadala ng hangin,
ako marahil —
ang ugat na nanatiling tahimik,
nakabaon sa lupa,
nakikinig sa bawat yapak
ng panahong lumilipas.

Ako ang himig
na hindi umaalingawngaw —
ngunit nananatili
sa kailalim-laliman ng alaala.

Habang ikaw ay sumasayaw
sa sayaw ng taglagas,
ako'y nananatiling
yakap ang lamig ng tag-ulan.

Tahimik kong pinipigilan
ang bawat pagbagsak mo —
nang hindi mo namamalayan.

Hindi ako tanong.
Isa akong sagot
na matagal nang naroon
bago pa maitanong —
kung sino ang nagtanim,
at ano ang bunga.

Sapagkat kung ang dahon ay dumarapo,
at muling nawawala —
ako naman ang di-makita,
pero palaging naroroon:

sa bawat pagsibol,
sa bawat pagkalagas,
at sa pagitan ng mga saglit
na walang makapagsalita.

Hindi ako lilim —
ako ang dilim na may silbi.
at liwanag na hindi makukubli
Hindi ako aninong masisilungan —
ako ang silong
ng mga alaalang hindi pa binibigkas.

At kung ikaw ay nagtataka
kung kailan dapat hukayin ang lalim —
ako ang lalim na iyon.
Hindi para mabungkal,
kundi para maramdamang
may pinanghahawakan ka pa rin.

Kaya bago ka tuluyang tangayin,
alalahanin mo:

ang bawat dahon —
kahit ligaw —
ay minsang nanggaling sa sanga,
na ikinabit ng pag-ibig
ng isang ugat
na tahimik lang,
pero totoo ang kapit.


𝖠𝗄𝗈 𝖺𝗇𝗀 𝖽𝖺𝗁𝗂𝗅𝖺𝗇 𝖻𝖺𝗄𝗂𝗍 𝗆𝖺𝗒 𝖻𝗎𝗅𝗈𝗇𝗀 —
𝖠𝗄𝗈 𝖺𝗇𝗀 𝗉𝗂𝗇𝖺𝗇𝗀𝗀𝖺𝗀𝖺𝗅𝗂𝗇𝗀𝖺𝗇 𝗇𝗀 𝗍𝗂𝗇𝗂𝗀.

— The End —