Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
derek Jan 2016
Hindi ko alam kung mababasa mo ito.
Pero kailangan kong sabihin ang tibok ng puso ko.
Wala rin namang mapapala dahil wala na ring pag-asa
Kaya kung sasabihin ko ito, sa akin ba'y may mawawala pa?

Kagagaling ko lang sa isang bagyo
Pero nakagugulat na hindi ako sinipon, kahit basang-basa ako.
Nagsumikap magbihis, para makapasyal uli
nang makita ko ang matamis **** mga ngiti.

Hindi na ako nagpigil, wala nang mawawala sa akin
Kailangan kitang makilala, kailangan kong magpapansin.
Pangalan mo lang ang mayroon ako, pero nahanap agad kita
Akalain **** nasa iisang gusali lang pala tayong dalawa?

Hindi ako gwapo at hindi rin malakas ang loob ko
Nakakaawang kombinasyon sa mga panahong ito
Mas gugustuhin ko pang magpasensya at maghintay
Pero paano lalapit sa pagkapangit na manok ang pagkagandang palay?

Inalis ko na sa utak ko ang pag-aalinlangan
Alam mo na ito, dahil may bulaklak ka na kinaumagahan.
Ayoko nang secret admirer, dahil hindi na tayo bata.
Pinaalam ko kung sino ako, para makipagkilala.

Sinulatan kita, makailang ulit
Para alam mo na ako yung nangungulit.
Kaso hindi ko alam kung bakit
Ni isang sagot, wala kang binalik.

Hindi ko na kaya maghintay pa ng matagal
Kailangan ko itanong, kailangan ko malaman.
Hindi ako magwawala kung hindi ka interesado
pero sana sumagot ka, para hindi na ako manggulo.

Ilang sandali pa, tumunog na ang telepono ko
Lumukso ang aking puso ng makita ko ang pangalan mo!

"Salamat sa bulaklak, pero mali ang pagkakaintindi mo
"hindi ako naghahanap ng lalaking iibigin ko
"Pagkat may iniibig na itong aking puso
"Pasensya ka na, patawarin mo na ako".

Matagal akong natulala sa aking nabasa
Biglang lumiit ang mundo ko, hindi na ako makahinga.
Naglakas loob akong sumagot at sinabing "naiintindihan ko
"salamat sa pagsagot, at magandang gabi sa iyo".

Gusto ko lang sabihin, sa mga makakabasa nito,
walang ginawang mali ang dalaga sa kwento ko.
Hindi ko man siya nakilala ng lubos ay nakatitiyak ako
Nang inihulog siya ng langit, sobrang swerte nang nakasalo.

Hindi ko gugustuhing agawin ka.
Kasi kung maaagaw man kita, maaagaw ka rin ng iba.
Kung mabasa mo man ito, okay lang bang hilingin ko
kapag niloko ka nya, pwede bang sabihan mo agad ako?
Gat-Usig Oct 2013
Mahal ko ang Filipino, pagdiriwa’y walang plano
Malaking palaisipan pag-alala ng gobyerno
Samantalang ‘di naisip prayoridad wala rito,
Pagpapayaman sa Ingles hindi na magkandatuto.

Paggunita anong saysay, pagsasabuhay sa wikà
Makakapagpamulat ba lalo na sa mag-aaral;
Pagsambit sa mga ito maging sa mga parangal,
Ito ba’y nakagugulat isang buwang itinakdà.

Totoo namang ginamit sa pakipagtalastasan
Filipino’y instrumento sadyang hindi matumbasan;
Kahit na karamihan pa napagkakamalang Kanô
Pakikinig sa istasyong bumibilib na napunô.

Ang tanong sa puntong ito, napapayaman ba kayâ?
Sa mga naging konteksto, ang masa ba’y nakukutyâ?
Sa mga nakakarinig, nahalua’y kabaduyan
Maging mga komentaryo, kalaswaa’y kinantsawan.

Kung bastos ang naging dating, anong magiging termino?
Ang mga dapat ilimbag sa papel ng mga dyaryo;
Sa pagbibigay ng aliw,ito’y pulos kababawan
Inisip ng mamamayan, may ganitong katangian.  

Kapuri-puri ang iba, may mahahalgang paksà
Ito’y kinakikitaan na may seryosong diskurso;
Sa kabilang banda pala, ito’y nawalan ng bisà,
Tulog na ‘pag pinalabas, ito’y kadalasang kaso.

Paano papaunlarin kung iba’y pinagpilitan
Tunay na nakalulungkot ito’y naging panambitan;
Sa halip pa ngang gamitin bilang makatwirang midyum,
Sa mga usap-usapan, maging sa mga simposyum.

Ang pagpapaunlad nito ay hindi sa balarila
Hanggang sa pag-uunawa pati ng ortograpiya;
Kinailangang mawala ang mga maling pananaw,
Ito’y nangangahulugang pagkilatis ‘di papanaw.


Ang natanging lingua franca nagbibigay identidad
Sambayanang sumasambit pagka- Pinoy lumalantad;
Sa bansa’y nagbigay-linaw, paggamit ng isang wikà,
Kaysa sa salitang- dayo, nagturan ng hakahakà.

Oo, Agosto na naman, dapat pa bang magkamayan?
Wika nati’y maging ilaw siyang magsisilbing lakas,
Juan, gumising ka naman, kamtan mo’y tuwid na landas;
Kung hindi tayo kikilos, mayroong paglalamayan.

— The End —