Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Mula sa pamilya ng mga dukha
Binhi nina Santiago at Catalina
Itong bayani na tunay na pangmasa

Dahil sa kahirapan, nagtrabaho ng kung anu-ano
Nagtinda ng mga baston at mga abaniko
Naging ahenteng naglalako at matiising bodegero

‘Di akalaing ang lakas ng mga bisig
Maaaring sandata sa mga manlulupig
Ni Andres na pangalan palang ay kaykisig

Subalit ‘di umasa sa lakas ng katawan
Pinatalas niya ring kusa sariling isipan
Inaral ang siyensiya at sining ng digmaan

Mga kababayan ay tinipon niya
Upang sa mga dayuhan lumusob, makibaka
Anak ng Tondo, Ama ng Katipunan – iyon siya!

--11/30/2014
(Dumarao)
*Bonifacio Day & Start of the Year of the Poor in Philippine Church Calendar
My Poem No. 284
Joshua Nov 2019
"Akin na pera mo."
"Dali, ilabas mo pati cellphone mo, lahat!"
"Babarilin kita!"

Hindi ako nakapagsalita.
Hindi nakagalaw. Natulala.
Ang bilis ng pangyayari.
Nakakatakot. Na wala man lang akong nagawa.

Gabi ng lumabas ako sa aming tahanan,
Kinailangan kong bumili ng ulam para sa hapunan,
Naglalakad ako ng isang kilometro,
Makabili lang ng pagkaing ihahain sa mga anak ko.

Madilim na. At walang ilaw ang kalye.
Mas pinili ko na rin maglakad para tipid pamasahe.
Medyo malapit lang din kasi nakasanayan ko na.
Ang maglakad ng malayo na walang saplot ang paa.

Malamang hinihintay na nila ako.
Kaya binilisan ko ang lakad ko.
Excited na rin akong makain nila ang paborito nilang ulam.
Tortang talong na masustansya para sa aming hapunan.

Ngunit nang malapit na ako sa pamilihan,
Dalawang lalaking nakamotor, ako'y nilapitan.
"Akin na pera mo."
"Dali, ilabas mo pati cellphone mo, lahat!"
"Babarilin kita!"

Napaluhod ako sa kalsada.
Nanghinayang sa karampot na baryang aking kinita.
Buong araw ako nagtrabaho,
Holdaper lang pala ang kukuha ng pinaghirapan ko.

"Mga anak, pasensya na, wala akong nabili eh"
"Ayos lang yan Pa, may asin at toyo pa naman eh"
"Bukas babawi ako mga anak ko."
"Hindi po papa, kami po ang babawi sa inyo."

Nawalan ako ng pera sa araw na ito,
Pero salamat at ganito ang pananaw nila sa mundo,
Na ang lahat ng ginagawa para sayo,
Ay sakripisyong dapat pinagpapasalamat mo.
Levin Antukin May 2020
balik-tanaw. limang taong gulang.
tapos na maghabulan, magtayaan.
pagod na ang lahat at ang natitira na lamang
ay magkwentuha't mag-asaran bago magsiuwian.

"wala mga daddy niyo sa daddy ko", sigaw ng aking kalaro,
"nagpapalipad siya ng mga eroplano".
manghang-mangha kami habang nagkukwento siya
at may hawak pang eroplanong papel.

"pero 'di papatalo si itay", sabi naman ng isa pa,
"sa Saudi siya nagtatrabaho kaya lagi akong may bagong laruan".
bilang ganoon pa kabata, 'di namin mapigilan mainggit.
sino ba namang hindi kung laruan ang binabanggit?

pinagyabang ko siyempre ang aking ama.
"pulis ang tatay ko". sabay humugis ng baril
gamit ang mga kamay.
basang-basa ang mga ito dahil sa pawis.
mga palad na makaraan ang isang dekada't kalahati
ay nalulunod na sa pagiging pasmado o marahil sa kaba
dahil sino ba'ng 'di matatakot sa pulis

ngayon?

nalaman namin na hindi nagpalipad ng eroplano
yaong daddy ng kalaro namin.
flight attendant siya. marangal na trabaho.
nagtrabaho nga sa Saudi ang itay ng kalaro pa naming isa
subalit kalaunang bumalik sa 'Pinas dahil pagod na.

kahit ano pa mang trabaho iyan o kung saan,
nakasisindak isiping nakatira ka sa iisang bubong
kasama ang isang mamamatay-tao.
ang malala ay isa siya noon sa mga pinaka-tinitingila ko.

tunay ngang mabilis ang pag-ikot ng mundo
kung ang nasa poder ay baluktot ang prinsipyo.
biktima tayong lahat na pumapailalim
sa mga nagmamataas na sakim at gahaman.
bakit magtataka sa kasulukuyan
kung mas masahol pa sa kriminal
ang puwersang kapulisan?

— The End —