Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
poetman24 Oct 2017
Naulit na naman ang paalam
(poetman_24)

Ayaw ko mang sabihang hugot sa tulang ito
ngunit pagkatao ko'y laging ganito,
namutawi na naman ang paalam sa aking puso
bakit pag-ibig kayhirap **** matamo?

Muli na namang nagtitipon ang ulap sa taas
nagbabadya nang pagpatak na walang wakas,
wala akong magawa-gawa't hindi rin makatakas
napiit na naman ako sa lungkot nang ulit ulit na landas.

Bakit naman ganyan ang pagsubok
mga tinta'y naghihimutok,
ano ba ako sa pintig nang pagtibok
ako ba'y sawi sa bawat paglunok?

Hindi pala sapat ang likha kong tula
kaya lulukutin ko na lamang ang talata,
mauuwi na naman ang aking bigong diwa
sa 'di matatawarang luha.

Pag-aalay ko pala'y naiipon sa buhangin
nasasayang lamang ang taglay na damdamin,
nais kong isuko ang pagkatha sa hangin
sana masagot pa ang aking panalangin.

Makatang walang taglay na panulat
mga tinta'y mantsa sa'king balat,
nasasawi ako nang hindi ko alam
isa ba akong tampalasan?

Kung masasaktan ka sa aking piling
layuan mo na lamang ako giliw,
itanim mo na sa akin ang pasakit
tatanggapin ko kahit anong pait.

Isilid mo na lamang ang sandaling ala-ala
at alalahanin na ikaw ay may halaga,
kalimutan mo na lamang ako sinta
kung 'yan ang palagay **** tama.

Babalik na muna ako sa sa karimlan
itatago sa dilim ang katotohanan na ako ay luhaan,
ililibing ko na lamang sa diwang hagap
na ako ay sawi at talunang makatang hindi katanggap-tanggap.
StrayRant Jul 2017
Iiwan kita hindi dahil meron na akong iba.
Iiwan kita dahil gusto ko nang lumaya.
Iiwan kita hindi dahil ayoko na kitang makita.
Iiwan kita dahil ayoko nang pagmasdan ang mga luhang
nangingilid sa iyong mga mata.
Hindi ko na kaya!

Ang makita kang lugmok at naghihimutok sa lungkot.
Ito’y nagdudulot sa puso ko ng kirot.

Tama na! Tama na! Tama na!
Tahan na aking sinta.
Ako sana’y unawain.
Napakabilis ng mga pangyayari.
Hindi ko alam ang hiwaga mayroon ka.
At iyong nasungkit ang matamis kong oo.

Mabilis. Napakabilis. Sadyang kaybilis.
Heto ako ngayo’t litong-lito.
Sana’y hindi nagmadali.
Sana’y natutong maghintay.
Sana’y walang taong nadamay.

Oo. Sa tinagal ng ating pagsasama,
Ngayon ko lang napagsama-sama.
Ang mga himutok ng aking saloobin.
Ako’y naging mapusok at ngayo’y naghihimutok.
Sana’y walang inaalala.
Sana’y hindi kinokonsensya.

Sa tingin ko ay ito ang tama,
Ang ika’y iwanan ng ika’y mabuhay.
Hindi ko batid ang sakit na iyong nararanasan.
Aking irog, ako man di’y nahihirapan.

Ang higpit ng iyong pagkakahawak,
Siyang sumasakal sa akin tuwina.

Iiwanan kita dahil ayoko na.
Oo! Ayoko na!
Tatapatin kita aking sinta,
Hindi ko na kaya!
Hindi na ako masaya.

Sa pag-inog ng mundo ako’y unti-unting nawawala.
Nawawala sa sarili.
Nawawala sa landas na aking dapat tahakin.

Sadyang kay mura pa ng aking edad
Upang sumuong sa ganitong realidad.
Nadala lang marahil ng matinding emosyon.
Sa tagal ng ating pinagsamahan aking napagtanto,
Hindi ikaw ang saki’y siyang nakalaan.

Tayo’y pinagtagpo upang matutunan ang isang leksyon.
Hindi para sa iyo ngunit para sa akin.
Aking kaibigan ako sana’y patawarin.
Hindi ko sadyang puso mo ay wasakin.

Ang hirap! Napakahirap!

Sa dalawang taong ating pinagsamahan,
Hindi kita malilimutan.
Aking pagsusumamo na sana’y
Paglipas ng panahon ay iyong matagpuan
Ang taong magmamahal sa iyo ng lubusan.
At hindi ipaparanas ang pait ng kahapong ating pinagdaanan.

Iiwanan kita dahil alam kong kaya mo na na ako’y wala na.
Iiwanan kita dahil nais kong iyong ipagpatuloy ang iyong buhay.
At nang matupad ang iyong mga plano para sa iyong pamilya.

Sinta alam kong ito’y sadyang masakit.
At sa pagtatapos nitong aking talata.
Nawa’y iyong ibigay ang aking kahilingan.
Sinta, ako sana’y palayain mo na.

Iniwan kita hindi dahil ayoko na.
Iniwan kita dahil mahal kita.
Sadyang ang lubos na pagmamahal na nararapat sayo
ay hindi mo matatamo sa akin bagkus ito’y iyong
matatamasa sa piling ng iba.
042416

Pumipiglas sa kadena,
Nagwawalang may pagbubusina.
Walang-wala siya sa datus
Ng iskandalong panglaman-tiyan.

Kilay ay naagnas
Bunsod ng galit na mapagmataas.
Mag-iiskandalo ang ugat sa magaspang na balat,
Siyang bulkan pala ng naghihimutok na alamat.

Lambat ng kahapon, isasaboy sa dagat
Huli'y kaawa-awa sa dinamitang kagat-kagat.
Sisisid kahit di akma ang tono ng tubig,
Lulusong muli't paghihiganti'y bukambibig.

Gamit ang sinulid ng tinapyas na bungangkahoy,
Matutukso ng talim, siya nga palang abuloy.
Istoryang tigang, nginuyang may malasakit,
Paru-paro't bulaklak sa kutsilyo ang kapit.

Kalawang ang uubos sa kadena,
Sa ilang pagpihit ng litratong may ordinansa.
Patay-sindi kaya't pondido ang ilaw,
Pipihitin ang kable't ahas ang tutuklaw.

Ang trono'y walang manggas at naantala,
Pinilihan ng mga oportunistang kanya ring katiwala.
Sapilitang makikipagniig sa kaharian,
Batas ay iluluklok, pantawid sa katuwiran.

Siya'y naghihimagsik sa haliging walang sabit,
Langis ay tagas ng sikmurang kumakalabit.
Gaya ng kahapong titulado ng dilim,
Babagsik ang leong minsang karima-rimarim.

— The End —