UWIAN:
Unang hakbang pagpasok sa tarangkahan.
Pangalawa, at tumingin sa daan.
Pangatlo, at tumingala sa kalawakan.
Saka naglakad pa ng isang daan at tatlumpung hakbang,
Sa apat, hanggang lima narinig ko ang andar ng jeep ni Ama
Sa anim hanggang pito narinig ko ang pagkukwenta ni Ana.
Sa walo hanggang siyam nakita ko ang tongitsan ni Manang.
Sa sampu hanggang labing-isa umiwas sa konstrukyon ni Saavedra.
Sa labing-dalawa at hanggang labing- tatlo ay narinig ang sigawan nina Agnes at Cito.
Sa bawat bahay, at taong nadadaanan
Tanging pagkaway at ngiti lang ang nadadatnan.
At ilan lang ito sa mga bagay na inuuwian.
Nagpatuloy sa paglalakad hanggang umabot sa abandonadong bahay,
Madilim man, at magulo sa loob. Ngunit amoy na amoy pa rin
Ang buhay na puno ng sampaguita.
Pumitas ako, inamoy pa ito, at nagbaon ng ilan nito.
Ipinikit ang mata ko, at saka linanghap ang mabangong amoy nito.
Saka naglakad pa at pumapasok sa aking tahanan.