Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
cleann98 Mar 2019
Hindi biro ang apat na taong ibinuhos sa iisang paaralan. Lalo na kung sa halos bawat pumapanaw na araw sa apatnapung buwan ay iisa lang ang itinatahanan ko't parang nakakulong pa sa iisang bahay sa tuktok ng iisang bundok.

Hindi birong sa haba pa lang ng apat na taon naging lipunan ko na ang Regional Science High School III. Tahanan. Mundo.

Hindi rin biro na sa pagbukhang liwayway sa akin ng ikalimang taon ay saka pa nagbago ang ikot ng mundo ko.

Sabi ng isang dating sikat na makatang si William Shakespeare noon na ang buong daigdig natin ay tila isang tanghalan at lahat ng lalaki't babae dito ay mistulang mga manananghal lamang. Sila'y umaalis at lumalahok ng walang pasinaya, madalas wala ring paalam...

Totoo nga, pabara-bara lang.

Bago ko pa man namalayan naging dayuhan agad ako sa sarili kong tahanan. Sa unang pagkakataon matapos ng apat na taon na umalis ang mga ilaw at tala na nakasanayan kong tingalain, pagmasdan, nakabibigla.

O baka matagal lang kasi talaga akong malapit sa gitna bago ko naranasang maitulak sa bandang dulo.

Sa tuwing itinatanong sa akin ng mga kaibigan ko sa Junior High School kung ano ang masasabi ko sa nakaraang dalawang taon ko sa RS bilang mag-aaral sa Senior High School; madalas sinasabi ko lang ay nakabibigla. Para akong namalinguyngóy sa wika na halos buong buhay ko nang sinasalita.

Lalong lalo na dahil palagi pang ipinaaalala sa akin ng mga taong nasa paligid ko na matagal na dapat akong umalis sa paaralan na ito. Ang pagpili ko sa STEM education o Science, Technology, Engineering, at Mathematics strand sa Akademikong trak ay isang pagkakamali at aminado ako dito. Kung tutuusin hindi talaga biro na ako ang tunay na 'alien' sa SHS ng RSHS.

Kaya mahirap ang Calculus at Physics at Chemistry para sa akin. Hindi ko ipagkakaila. Mahirap ring makitungo sa mga tipon-tipon ng mga nagsisikap maging bihasa sa larangan ng medisina kung ang gusto ko lang naman ay maging bihasa sa pisara. Higit din sa minsan ay nakahihiya na rin ipaliwanag pa kung bakit hindi ako nagtataas ng kamay tuwing tinatanong kung sino ang nangangarap maging doktor sa kinabukasan. Uulitin ko, nakahihiya.

Nakababalinguyngóy patagal ng patagal, habang lalong nagiging dayuhan ako sa paaralan na ito... Umabot ako ng hanggang ikalabindalawang baitang bago mapansin na masyado nang malaki ang distansya ko sa mga bagong bituin na dapat nasa paligid ko pa rin.

Maging tapat lang din, nakahahanga talaga ang pagniningning nila. Ang mga kaklase ko, bihira ko lang pinupuri pero tunay ang hiwaga nila, kahit sa mata ko lang.

Oo, dati inisip ko rin na habulin ko ang mga sinag ng aking mga kamagaral, pero kung nasaan ako ngayon, siguro nga mas pipiliin ko na ang kinalalagyan ko.

Itinanong na rin sa akin dati ng isa kong kaibigan ito, may advantage ba talaga ang pagpili ko na magaral sa STEM ng RSHS?

Ngayon, sobrang dali ko lang masasabi na kahit wala ako sa gitna ng mga tala napagmasdan ko naman ang mas malaking kalawakan. Kaya sobra rin, may isang napakalaking nagawa sa akin ng SHS ng lipunan ko.

Sabi nga ng mga Astrologo, pinakamalinaw na mapagmamasdan ang kalangitan mula sa pinakamadilim na kapaligiran; at yun ang kinalalagyan ko ngayon. Gaya ng nasa larawan ng isang concert kung saan nasa dulo ako ng coliseum ay nakita ko ang pinakamagandang view na hinding hindi ko makikita kung nasa gitna lamang ako at malapit sa pinakamasinag na hiwaga na meron. Tanging sa gilid lang, kung saan halos wala na akong makita sa inaapakan ko, doon ko lang nakita kung gaano karikit ang dami ng mga ilaw na hindi ko pa naisip lingunin noon.

Saka ko lang napagalaman na mayroon pa palang ningning na malilingon ko sa larangan ng pagsulat ng lathalain. Paniguradong kung hindi ko sinubukan muli na lumaban sa presscon nitong taon hindi ko na ulit mararanasan ang journalism, muntik na akong hindi makalaban sa DSPC at lumaban sa RSPC. Muntik ko nang hindi makilala si Rizzaine at ang ibang mga naging kaibigan ko sa laban na ito. Siguro nga hindi ko rin makakahalubilo ang mga naging kasamahan ko sa the Eagle at ang Sanghaya kung hindi dito.

Hindi ko rin inasahan na mapapalapit ako sa kislap na tanging sa SDRRM at Red Cross Youth ko lamang mararanasan. Nakakapagpabagabag. Matagal na akong lider pero hindi kahit kailan pa man ay nasagi na sa isip ko na mangunguna ako sa isang napakalaking lipunan  na kasing gulo at kasing dehado ng katipunan na iyon. At higit pa rito ay sino ba naman ang magaakala na sasabihin kong naging isang malaki at masayang bahagi ng SHS ko ang ubod ng labong pangkat na ito.

Ang mga kaibigan ko pa. Mga parol sa madalim na sansinukob na hindi ko magawang talikuran at hindi ko rin kayang masyadong malayuan.

Mahirap silang isa-isahin pero silang mga bituin na natulak rin palayo sa gitna ng mundo namin, para silang Polaris, na naging pahayag ng daanan tatahakin ko sa karimlang katakot-takot lakaran. Alam ko na lalayo at lalayo pa sila habang patuloy na lumalaki at lumalaki ang kalawakan ko pero ang hiwaga ng ilaw nila, yun ang hiwaga na hindi mawawala sa mundo ko.

Mahirap maligaw sa tahanang kay tagal-tagal mo nang ginawang mundo. Mahirap madapa sa daanang ilang taon mo nang nilalakad. Nakababahala. Nakababaliw. Nakababalinguyngóy. Pero ang sukdulan lang ng karanasan ko ay gaya lang ng isang simpleng kasabihan 'we do not go there for the hike, we go there for the view.' at tunay nga, sobrang ganda ng tanawin sa gilid ng pagiging estudyante ng SHS.
Paulo May 2018
Marahil ikaw ang mabisang gamot
Na laging naka ngiti at ang noo'y naka kunot
Sana'y lagi kang ganyan at hindi malungkot
At sa dibdib ay wag magtanim ng anumang poot

Pagkat bakas sa iyong mata ang kalungkutan
Na tila dulot ng nakaraang paglisan
Ako'y nagagalak dahil sa iyong katapangan
Na para bang kaya **** harapin ang kinabukasan

"Galingan mo pang lalo" yan aking sambit
Dahil alam kong pangarap mo'y malapit mo ng makamit
Pag aaral ng ukol sa ngipin ay hindi madali
Pero pag-papangiti mo sa ibang tao'y talagang wagi

Para sa ilang araw na walang tulog
Para sa isip **** determinado't may pagsisikap
Kapit lang.
Dahil balang araw ikaw'y makaka ahon
Sa lula ng pasan **** panahon

Nais kong malaman mo'y ako'y galak
Sa ugali **** taglay at sa mga tawa **** walang humpay
Asahan **** sa iyong paglalakbay na lagi akong naka gabay
At unang ngingiti sa iyong tagumpay

At para sa puso **** marupok na minsan ng nauntog
Nawa'y mahanap na nya ang sariling tuldok
Dahil ang nais ko lang naman ipabatid
Ay kung gaano kasarap mahalin at magmahal ng solid
Lance Cecilia Jan 2016
Nilaliman ko ang hawak ko sa bulsa, wala na nga pala 'kong pera.
Mabilis akong naglakad patungo sa bughaw na sasakyan ko. 'Di ko ininda ang pabugso-bugsong ulan at bulong ng mahapding hangin. Bumubulwak ang tubig mula sa kanal at magiting na dinadaan ang palusong na kalsada papunta sa gusali.

Nilaliman ko ang hawak ko sa bulsa, at natuklasang wala ang susi ng kotse.

Matagal-tagal na rin akong nag-aaral sa lumang gusali ng Biology sa UP. Pangatlong taon ko na. Sa wakas, magtatapos din ako.
At saka mag-aaral ng medisina.
Unang girlfriend ko si Kaye, at napakahaba ng aming kwento. Nagkakilala kami noong bakasyon sa pagitan ng aking ikalawa at ikatlong taon sa mataas na paaralan. Hindi siya ang una kong babaeng nagustuhan.
Pero siya ang una kong minahal.
Nagsimula ang lahat sa aming pagiging magkaibigan, at nang lumaon, nahulog ako para sa kanya.
Alam kong mali yun, kasi may gusto siyang iba at may napupusuan din ako noon.

Pero binago niya ang lahat. Naging matalik kaming magkaibigan, hanggang sa ayun, nagkaaminan.
Walang nag-akalang magiging kami.
Nilaliman kong muli ang hawak sa bulsa. At saka pumanhik sa gusali, papunta sa aking silid.
Natagpuan ang susi ng kotse, sira, putol, puro gasgas at tila nabagsakan ng mabigat na bagay.
Badtrip, sabi ko.
Magko-commute ba na naman ako?
'Di nagtagal, nakaisip ako ng paraan.
Pinapunta ko si Kaye, total, may kotse naman siya.
Dumating si Kaye sa silid nang may malaking ngiti, isang ngiting tagumpay sa volleyball.
Bakas pa sa kanyang mga braso ang bakat ng tama ng bola ng volleyball. Namumula, pagod na pagod.

'Yun ang huling alaala ko.

Sabi ng doktor, nag-shutdown daw ang utak ko buhat ng matinding pagod, at nagkaroon ako ng amnesia.
Ayon sa kalendaryong iniabot sa'kin, humigit-kumulang 30 taong gulang na ako.
Wala akong ibang maalala kundi ang alala sa gusali ng Biochemistry.

Nilaliman ko ang hawak sa bulsa. Hinimas ko nang todo ang lalagyan, hinipo ang bawat sulok ng aking bulsa. Nakapa ko ang isang pirasong papel.

Dear Lorry,
Mahal kita.
Pero may mahal na 'kong iba.

Yun lang? Yun lang ba? Tapos na?
May nagawa ba 'kong masama?
Tiningnan ko ang aking mga braso.
Bakas pa rito ang mga bakat ng kutsilyo, namumula, puro peklat.
Sabi ng doktor, may suicidal tendencies daw ako. Aba pakialam niya!

Pumasok si Kaye sa aking kuwarto sa ospital. Hawak niya ang braso ng isang lalaki.

Doon ko lang napansin ang kuwarto ng aking tinutuluyan.
Puno ng sulat ang mga pader. Puno rin ng mga nagsasanay na nars at doktor, at pilit na iniintindi ang reklamo ng mga pasyenteng nakadungaw sa nakaidlip nilang kalawakan.

Hindi ko na kaya.
Ganoon na lang ba ang halaga ko kay Kaye, na ganun niya ako papalitan?

Kinuha ko ang bolpeng nakatengga sa mesang malapit sakin. 'Di ko na pinansin ang kirot ng IV at mga kung anu-ano pang nakasuksok na gamot saking sumusubok na pagalingin ang mas lalong sumasakit, kumikirot na kalagayan.
Isang 'di magamot na sakit ng damdamin, isang kirot na bumubulwak mula sa kanal na pinagdadaluyan ng aking pagmamahal.

Pagmamahal para sa babaeng nakita kong hawak ang braso ng isang lalaking 'di man lang ipinakilala sakin para man lang mapawi ang uhaw ko para mapasaya si Kaye.

Tinutok ko ang bolpen sa aking sarili.
Pinagsasaksak ko ang sar-
JOJO C PINCA Dec 2017
Ang pagibig sa karunungan ay walang katapat na halaga. Ang pilosopiya at salapi ay langis at tubig kailanman hindi ito maaaring magsanib. Si Socrates na ama ng pilosopiya ay hindi yumaman ni guminhawa ang kanyang buhay. Ang karunungan ay bahagi ng kaluluwa at ang kaluluwa kahit kelan ay hindi nangailangan ng salapi at materyal na mga bagay. Walang pera sa pilosopiya sapagkat wala rin pilosopiya sa pera.

“Philosophy bakes no bread” pero ito ang pundasyon ng mga sibilisasyon. Ang kultura at ebolusyon ng lahat ng buhay at mga pangyayari at kasaysayan ay nakasalalay sa pag-unlad ng pilosopiya. Ang karunungan ay parang gulong na laging sumusulong. Ang lahat ng sangay ng kaalaman ay nakasalalay sa pilosopiya, pilosopiya ang nagbibigay buhay at nagpapagalaw sa mundo. Ito ang bumabago sa takbo ng panahon at isipan ng bawat henerasyon.

“Philosophy bakes no bread” ang medisina, batas, arkitektura, literatura at lahat ng katha ng isip ay nakasalig sa pilosopiya. Walang kaayusan kung walang pilosopiya. Ito ang mapa ng mundo at kompas ng kasaysayan. Pati ang mga buktot na panukala at mga hangarin ay may bahid ng binaluktot na pilosopiya na binalangkas ng mga taong hangal. Ang pilosopiya ang lumilikha ng yaman at kahirapan depende kung paano ito ginagamit ng mga nasa kapangyarihan.

“Philosophy bakes no bread” pero ito ang kanlungan at kapahingahan; ito ang nagbibigay ng kalayaan. Tanggulan ito ng mga mahihina at walang kayang lumaban. Sulo na nagbibigay liwanag at pumupunit sa dilim ng gabi.

— The End —