Tuwing nalalapit na ang pasko, darating si itay mula sa kanyang opisina na may dalang kahon. Ang kahon ay naglalaman ng hamon. Ang hamon na mutlong taun-taon na lang sumusulpot. Ito yung hamon na hindi na pinapansin ng karamihan kasi lagi na lang andyan. Pabulong na sasabihin nila, "Ay sus. Pwedeng iba naman?" pero dahil nga sa nakasanayan na, ang hamon ay mananatiling nariyan kahit nilalampasan.
Lilipas ang selebrasyon at mag-uuwian ang mga bisita. Mananatili ang hamon na wala man lang gumalaw. Naubos ang macaroni salad, graham, kahit ang kaldereta ngunit ang hamon ay nanatiling tahimik, mistulang kawawang bida sa isang maaksyong pelikula.
Taun-taon, sasabihin ni inay na bakit hindi na lang ipamigay? At taun-taon akong hihindi at sasabihing sayang.
Hindi ko naman paborito ang hamon. Sadyang ayoko lang sayangin ang lahat ng nakahain. Kaya't kahit paulit-ulit, kahit nakakasawa, kahit minsan gusto ko na lang ipamigay, pilit ko pa ring kakainin ang bawat hamon na nakahain. Pilit ko pa ring lalasapin ang cholesterol, magpapataba, magpapakatanga, magsasawa hanggat sa maubos.