Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
kingjay Mar 2019
Isugpong ang lupa't langit
Lumaon na pagsuyo'y naaanod
Sa kanluran ay naninikluhod
na sana maging malubay ang kasikipan ng loob

Ipagkaila sa tapat ng altar
Tumanda na naangkin ay di ibibigay
Di sadya man mamutawi sa labi ng mga kaibigan
Mag salangsang sa pag-ibig at nang humanggan

Sa wakas ay kusang mabubuhay
Sa walang panahon o oras
Ihuhubog ang mundo na tumila
Gaya ng dasal ng patay sa kalawakan

Ipagkaloob ang kasarinlan
sa marubdob na kinikilos ng itong kaluluwa
Mahiwalay sa katawang tao
At ang karunungan ang siyang magpapalakad sa gawa ng Maylikha

Sapagkat natumbok ng hirang ang budhi
Hindi na kaya maitakwil
Mismo ang kanyang kamay tumarak ng salapang
Sinugat ang kaluluwa - inalila ng kanyang pagnanasa
Mula sa Coronet (Study) ni Daniel “Dansoy” Coquilla, Early 2000s
“Eklips” (2022) sa UP Vargas Museum

Sapagkat ang Maynila ay isang malaking prusisyong hindi nagwawakas. Bawat singit ng kalsada’y may sangsang ng kasikipan, busina ng pagdadalamhati, alingawngaw ng pagmamadali, at balisungsong ng pagkaligaw. Nagsisiksikan ang mga mukha ng pagkauhaw habang ang langit ay saksi sa kanilang karera palabas ng lungsod. Sakay sa nangangabayong gulong at namamangkang dahon. Ang terminal ng buhay ay pugad ng mga pasaherong nauungusan ng mga higanteng parisukat na makina.

Hindi nagsisinungaling ang kabulgaran ng tinta ni Dansoy: mapanghusga ang kalawakan sa mga nagkukumpulang deboto. At sa pagyakap ng malaking anino sa nagluluksang syudad, magliliyab ang mata ng mga mananampalataya—kapit sa manibela, nakatingala, nagbabakasakali sa kapusukan ng buwan.

— The End —