Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Sarrah Vilar Sep 2016
Naaalala mo ba nung una niyang ipinakita sa'yo 'yung lugar mo sa buhay niya?
'Yung sandaling 'yon na itiniwarik niya daw ang mundo
Para hayaan na kayo lang ang nakatayo. Magkasama.
Nakita ko 'yung saya na suot ng 'yong mukha.
Nakita ko kung paano kumislap 'yung mga mata **** walang alam na daan
Kundi 'yung direksyon kung nasa'n siya.
Nakita ko kung paano mo winasak 'yung pader d'yan sa puso mo.
Nakita ko kung paano ka muling nagtiwala.

At nakita ko 'yung pagsikip ng lugar
Na sinabi niyang ikaw lang 'yung may-ari.
Nakita ko 'yung muli **** pagtatayo ng harang d'yan sa puso mo.
Nakita ko kung paano mo kinwestyon 'yung halaga mo.
Kahit na bago mo siya makilala ay sinabi mo sa sarili mo
Na hindi ka tahanan para sa mga taong naghahanap lang ng saglit na masisilungan.

Isang gabi,
Naramdaman ng hangin 'yung lungkot mo.
Agad siyang bumalot sa'yo.
Naglaglagan ang mga dahon
Kasabay ng pag-agos ng luha mo.
Ngunit wala ka pa ring kibo.

Pakiusap,
Patingin ulit ako ng dating ikaw—
Dating ikaw na isang bagong lenggwahe;
Hindi lang sinasaulo; dapat iniintindi.
Subukan mo ulit itapon sa dagat 'yung bagyong iniwan niya.
'Wag mo hayaang hampasin ka na naman ng alon ng mga alaala niyong dalawa.
Pakinggan mo ulit 'yung katahimikang nakalimutan mo na 'yung nota.
Iabot mo ulit sa mundo 'yung mga ngiti sa labi mo.
Iparinig mo ulit dito 'yung pagtibok ng puso **** hindi para sa kanya
Kundi para sayo.
At 'wag mo sanang isipin na kailangan mo ng taong bubuo sa mga pangakong winasak niya.
Hindi naman kasi sa bawat pagbitaw ay may taong nakaabang para sumalo.
Lumagapak ka.
At itayo mo 'yung sarili mo.
Kumawala ka na sa posas ng pangalan niya.
Hindi mo kailangang banggitin 'yung pangalang pinapabanggit niya na din sa iba.

Higit sa lahat, tandaan mo:
Nakapaglakad ka nang wala siya
Magagawa mo ring tumakbo nang hindi siya kasama.
(a spoken word piece)
Sarrah Vilar Oct 2017
Nasa'n ka na? Babalik ka pa ba?
Sa mga araw na itinigil natin 'yung oras para ipaalala sa isa't isa
Na dito—sa sandaling 'to tayo masaya
Dito nagmistulang alapaap 'yung mga nararamdaman natin
Sobrang taas nating lumipad
Hindi natin napaghandaan 'yung ating paglagapak
Sa mga araw na malulugmok tayo
Sa sakit
Sa poot
At ako
Sa pag-asang maibabalik pa 'yung mga araw na lilipad tayong muli
Ngunit
Hindi
Tandang-tanda ko 'yung araw na ipinilit kong pabilisin 'yung oras
Hanggang sa marating ko 'yung araw na matatanggap kong hindi ka na babalik
Ngunit
Hindi
Hindi ko pa ata kaya
Hindi ko pa ata kayang dumilat isang araw nang hindi ka kasama
Kaya kahit 'yung sakit papatulan ko na
Naririnig ko pa rin naman 'yung pagtibok ng puso mo
Ngunit papahina na nang papahina
Dahil palayo ka na nang palayo
Gusto ko naman marinig ngayon 'yung tunog ng pagbabalik mo
Para lang maipaliwanag mo sa 'kin kung kailan unang nalagas 'yung mga pakpak natin
O kung aling hangin 'yung nagtulak sa'yo pababa
Dahil hindi ko maintindihan
Hindi ko maintindihan na kahit ilang beses ko nang itiniwarik 'yung mundo nating dalawa
Hindi ko pa rin mahanap 'yung dahilan kung bakit tayo biglang kumawala sa isa't isa
Hindi ko rin naman masabing iniwan mo ako sa ere
Dahil wala na naman ako sa itaas
Na'ndito na ako sa ilalim ng mga alaala nating hinayaan na lang natin sa isang tabi
Nang hindi sinusubukan na dagdagang muli
Na'ndito ako nagpapadagan sa mundo
Habang patuloy lang nang patuloy sa pag-ikot 'to
Na'ndito ako sumasabay sa agos ng sarili kong luha
Na'ndito ako hinihila 'yung sarili ko pababa
Pahingi naman ako ng isa pang pakiramdam
Hindi 'yung puro na lang lungkot
Puro na lang pait
Pahingi ako ng galit
Sige, kahit inis o kahit yamot
Na kung bakit ako lang 'yung naiwang nagmumukmok
Higit sa lahat
Pahingi pa rin ako ng pag-asa
Nasa'n ka na? Babalik ka pa ba?

— The End —