Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jun Lit Mar 2018
Tila nagtatanong, tanang mga muthâ
“Saan ba nagpunta ang payat na mamà?”
“Ilang buwan na bang hindi gumagalà
dito sa ‘ming parang na kanyang tumanà?”

Baguhin ang mundo’y dakilang pangarap
Subali’t mailap mga alapaap
Kung kaya’t bumangon kahit na mahirap
Dal’wampung ektarya’y pinagyamang ganap

Mahabang panahong masugid na nagmamahal
Sa katuwang sa puso at kasintahang walang pagal
Pati na sa gagamba at lahat halos na nilalang
Pati na butiking naghatid ng liham

Henyong ermitanyo ba o maestro pilosopo?
Iba ang pananaw, sa buhay, sa mundo
Lahat ay magkakaugnay at ang tao
ay tuldok lang at di panginoong sentro.

Pag-ibig sa bayan at kapaligiran
Ay di sagabal sa mithing kaunlaran
Basta’t angkop sa kaya ng pamayanan
Sadyang sustenable at di pangdayuhan

Bakas sa landas na kanyang nilakaran
Larawan ng diwang tunay, makabayan
Puso at isipang makakalikasan
Karapat-dapat na pagbalik-aralan

Sa Araw ni Ninoy, araw ng pagpanaw,
Sa Araw ng mga Bayani hihimlay
Bayani ng Lupa, may basbas ng araw,
ng ulan. Binuo ang ikot ng buhay.
Written on 21-28 August  2016; Alay sa Ala-ala ni Ka Romy S. Raros, 1939-2016, - ****, siyentista, entomolohista, ekolohista, aktibista, magsasaka [Dedicated to the memory of Dr. Romeo S. Raros, 1939-2016, - teacher, scientist, entomologist, ecologist, activist, farmer]; Read during the necrological services in his honor and again during the first anniversary of his passing away. The last two line have been added belatedly.
kingjay Dec 2018
Ang haplos ay malamig
di man naninigas
nanatili walang kibo
Sa paghagok ay naninibago
-walang malay parang nag-iidlip

Isigaw ang pangalan ng mga santo, patron at lalo na  ng Diyos
-magbigay pugay
Ang pulso muna ay hanapin mula ulo hanggang binti

Ginto at pilak, walang katumbas
Ang hinirang na anak Niya'y di kinalimutan
Parirala ng buhay ay papintig-pintig
sa ibang dimensyon na ng daigdig

Tuldukan ang kasulatan sa Libro ng mga Buhay
Sapagkat buhat-buhat ang maputlang kamay
Sa kuko matatanto habang nakaratay
Nagiginawan pati ang laman na nasa hukay

Libu-libong ektarya ang pagpapasyalan
Maraming kakaibiganin maging sinuman
Nakikipagkapalagayan ng loob ang lahat-nagpapatawad
Pagbubuklodin ng pagsinta

Nililok ang estatwa sa dibdib ay namalagi
Paalalang ipirmi, di iwaksi
Samut-saring emosyon ng dilim ang ginamit sa pag-ukit
Donward Bughaw Apr 2019
Dalawampo!
Dalawampung ektarya ng lupa
ang nasa aking mga kamay
at paa;
at nais kong magkaroon
ng titulo
sa mga lupang ito
na akin pang nilinang
mula ng lumaki't nagka-uliran.
Sinasabing pag ang kuko ay marumi, ibig sabihin masipag.

— The End —