Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Ito ng kulay ng iyong puso

Ang kulay ng lipstik

Na binili ng iyong ina nung ikaw ay tinedyer

Ang kulya ng bulaklak na binigay sa iyo sa araw ng mga puso
ng iyong manunuyo

Hindi babanggitin ang rosas na niregalo sa yo
ng kaibigan **** babae sa kampus nang ikaw ay nasa
kaibuturan ng iyung kabataan,

Ang kulay ng mga di mabilang na mandirigma sa kabukiran

Na sumisigaw ng kapayapaan.




Ang kulay ng butil sa unang dapyo ng sikat ng araw

Sa panahon ng anihan.

Ang kulay ng asukal na muscovado mula sa pawis ng mga manggagawa sa azucarera

Ito ang paborito **** kulay noon.


Sa gitna ng lakbayin na masukal

Ginusto **** maging mapusyaw

Ngunit ang iyong pag-aalab ay puno ng kulay na ito

Sa iyong mga kapatiran sa masa


Pagsigaw ng hustiyang pang-ekonomiya



Ipagbunyi ang kulay ng iyong puso!



Ang sing-init na kulay na nararamdaman mo hanggang ngayon
Kahit na pumupusyaw ang iyong kabataan,

Nanatili itong kulay ng iyong pag-aalab.
kingjay Jan 2020
Sa kanyang himig ako'y nahahalina
Magkasintunog ng mga ibong malaya
Umiindayog sa puso ko't pagsinta
Misteryosong dilag, sino s'ya talaga?

Sa tuwing napapanood 'y anong ganda
Mata'y matimyas na tala sa umaga
Tanglaw sa daigdig na puno ng hiwaga
Liwanag sa bukang liwayway 't hiraya

Manipis ang labing kakulay 'y makopa
Malamyos ang tunog ng bawat salita
Halik ng anghel ang dapyo ng hininga
Halimuyak ay buhay, di nawawala

Kahit panlalaki ang gayak at porma
Na kanyang ginampanan sa prima donna
Munting lawiswis na lupaypay 't mahina
Nang lumaki'y diwata sa encantadia

Ang isip ko ay kinabig 't kinawawa
Ginapos nang mahigpit ng kanyang drama
Madalas ay namumugto ang mga mata
Kapag nasisilayan s'yang lumuluha

Huwag sana pabugso bugso't pabigla
Ang tibo niyang pangungusap at banta
Sapagkat nababagha't natutulala
Damdami'y pinamumugaran ng kaba

Sa kumpas ng mga kamay ay humahanga
Isang paraluman na ang kiyas 'y siga
Hudlum sa kanto na mahal ang pamilya
Pinakamatapang na lahing Claveria

Sa likod ng pagganap ano nga ba s'ya?
Sapantaha ko ay magalang na bata
Binibini at dalagang Filipina
May puring Perlas ng Silangan ng Asya

Lingid sa kamalayan nang napahanga
Sa kanyang angking galing bilang artista
Dagdag pa ang sayaw n'yang mala-prinsesa
Sa makabagong tinikling, siya'y reyna

Araw 'y nakahilig sa katanyagan n'ya
Harap 'y pangarap na sinasalubong pa
Hiyas s'ya sa mundo na walang kapara,
Kumikinang at nagbibigay pag-asa
kingjay Jan 2019
Na minsan ang mga puso'y nagpalikawlikaw
Ginugunita ang dating panahon
Ang dapyo sa pisngi ng
makapanlulumay niyang tinig

Paano makukuha kung hindi ibibigay
At ibibigay kung hindi naman hinihingi
Kahit di man hingin basta tuwiran lang maipatalastas
ang nadarama na umilandang na lingid sa kanyang mga mata

Nakatungo ang ulo
Hanap-hanap ang tumilapong pag-irog
na nangabusog sa pagtingin-tingin
Mabilis kapag sa biro akayin
at sa pag-uusap na naglulubid ng buhangin

Napigta ng panghihinayang
Tila sa salmuwera'y babad
Nanatili sa pangangalaga ng kaalatan
naka-imbak para sa kanya
subalit wala ng kabuluhan

Taganas tulad ng kalikasan
Ang yumi'y pasukdol nang sumikat
Walang anuman ang bumahid
Sa kutis niyang malinaw
nababanaag ang luntiang ugat
kingjay Feb 2019
Pagsinta na ipinanganak
sa buwan na kulang-kulang ang mga araw
Kadalasan ay dalampu't walo at sa tuwing ikaapat na taon nagiging dalawampu't siyam

Winawangis sa tagsibol
ang panahon ng pagsilang
Kaya magiliw ang hangin,
bagong simoy hatid ng dalampasigan

Ang dapyo ng Amihan
simbanayad ng paghinga
sa pumapagaspas na dahon
sa bumabaluktot na sanga

Dahan-dahan nang nanaog
ang kaluwalhatian ng langit
sa mga batang umiibig
sa mga binatang naghihintay nang nanabik

Sa sumasangang pag-irog
dalawa o mahigit pang katipan
marami ang nagugustuhan
Walang wasto at tiyak na kamalian
sa pagmamahal

Di ang mayayabong bukirin at nagsitaasang gusali ang makapaghahadlang
Maging ang mga naging bulag na
ay matuwid kung lumakad sa daan

Sa batas ng pag-ibig
ang kalooban ang magtitiis
kung magkasala
ang damdamin ang maghihinagpis
kingjay Dec 2019
Kay sarap ng buhay
Sa matimyas na bukang-liwayway
May gintong kumikinang
Kasabay ng liwanag ng araw

Kay gaan bumangon
Aligaga sa sandali
Na makita ang natatanging
Mata niya't mga labi

Ang lunggati sa mga alapaap
Panganorin ay maabot
Nang sunggaban ang mga bituin
Para sa tulad niya - siya ang hiling

Bago pa ang dapit-hapon
Ang takipsilim na inaabangan
May pinapangarap na sa kinabukasan
At panaginip na mapapanaginipan

Sa pagpikit ng mata
Ay nakahilata sa paraiso
Itinuturing katotohanan
Ang panaginip
Ang tanghaling hiraya ay pangyayaring hihintin

Hinga ng anghel
Ang dapyo ng hangin
Luha ng kaligayahan
Sa pagpupunyagi sa karalitaan

Walang tumitagatig
Sa gitna ng kawalan
Noong ako'y umiibig
Ang ngiti ay walang-hanggan

— The End —