Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
aermaen Jun 2011
1.     Ang pagyao nya'y tulad sa hangin

         di mawari'y tila isang banyuhay ng init

         na sumakbibi sa iyong pusong bato

         na sa kalauna'y lumamig at lumisang tuluyan.



2.      Sa di kaginsa-ginsay na kaganapan

         ika'y nag-aral mabuhay

         batid ang dalamhating hatid ng halumigmig

         na dala ng luha at ng bagong umaga



3.      Sa pag bukang liwayway

         ako'y sisigaw at tatanaw

         batid ang samyo ng ala-ala

         patuloy sa pagunita sa pagsintang tangan sa paglisan



        naninimdim



        ngunit magpapatuloy lamang.
060821

Namuo ang mga luhang walang awat na nagpararamdam,
At sa kabila ng paghilot sa katauha'y
Daragsa ang hindi maintindihang elementong bumabalot sa liwanag.

Una,
Nasilayan ko ang larawan ng mag-inang minsang naging kabahgi ng akingnakaraan,
Kung saan naging bukas ang kanilang pintuan
Para sa mga kung anu-anong okasyon,
Mga pagpupulong na wala sa usapan,
Mga tawanang walang kabuluhan.

Ipinagkait ng pagkakataon ang paalam
Na sana man lamang ay naging harap-harapan.
At ang paalam na ito'y hindi malaman
Kung kailan ang simula at katapusan.

Pangalawa,
Sa pagitan ng pag-aaral at paghahanapbuhay
Ay namuti ang pangarap na lisanin ang kinasanayan.
Ngunit sa mismong araw ng kanyang paglilitis
Ay iba na pala ang nasa linya't nagbitaw ng mga salitang,
"Wala na sya."

Kinitil ang pangarap ng tadhana
At tuluyang naglaho ang alaala ng kanyang katauhan.

Pangatlo,
Sa apat na sulok ng pag-uusig
Ay naging bukas ang pagsalasat ng katotohanan buhat sa magkabilang panig.
Ang kanilang mga hain ay higit pa sa poot
Na may panghuhusgang bitbit at sigaw sa pula at sa puti.

Naubusan sila ng mga salita at nagtapos sa paghihiwalay
Ang kanilang mga ngitian at halakhakan,
At ang minsang pagbubunyi ay naging palitan
Ng liham ng paalam at katapusan.

Pang-apat,
Sa pagpunit ng bawat pahina ng kalendaryo
Ay nagwakas na rin ang kanilang pagkikita
Ang lihim ay idineklara't nagpaubaya na lamang sa Langit
Ang dalamhating tugon sa pag-ibig
Na sana'y may bukas at makalawa pa.

— The End —