Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Sofia Paderes Jan 2016
I.
Mahal, minsan napapaisip ako...
Ang laki masyado ng mundong ito, ang mundo ko.
Gusto kong hawakan ang bawa't bato, yakapin ang bawa't puno, pero hindi ko kaya dahil nadadala ako sa tinig ng mga iba't ibang boses na humihila sa aking puso at hindi ko alam kung alin ang susundan ko.
Nakaktakot ang katotohanan na marami pang mga lugar na hindi pa natatapakan ng aking paa, marami pa akong hindi alam, marami pa akong hindi nakikita.

Pero minsan, ang katotohanang ito ang nagpapatibok sa aking puso, at nais kong pasukan ang lahat ng mga pintong bumubukas sa harap ko,
nais kong mahalin ang lahat ng taong dumadaan sa buhay ko,
nais kong maranasan ang lahat ng pwedeng maranasan ng isang tao.

Pero minsan talaga, hindi...
Hindi talaga alam ng aking puso kung ano ang gusto nito.
Kung isang mundong malaki o mundong maliit ang gusto niyang tirhan.
Pero yung nag-iisang bagay na kung saan ako'y sigurado, ay...
Na gusto ko na sa gitna ng kaguluhan,
iyong boses ang madidinig,
at iyong boses lamang.

Balik mo 'ko kung saan tayong unang nagkita,
kung saan tayong unang nagkakilala.
Balik mo 'ko sa panahong iyon,
yung unang beses na hinawakan mo ang aking puso sa iyong palad
at nagpangako na hinding hindi mo ito bibitawan.

Halika, balik tayo sa ilalim ng iyong puno.


II.
Habang ako'y nandito sa ilalim ng iyong puno,
hindi na importante sa 'kin kung malaki o maliit man ang mundo.
Basta't kayakap kita dito kung saan walang kahulugan ang oras,
alam kong iikot lang ng iikot ang mundo.
At sapat na yun para sa 'kin.

Dahil sa iyong pagmamahal,
lahat ng takot ay nadadaig.
Spoken word poem written for Risen Collective's first event, Silakbo. This was a collaboration with Coeli, an incredibly talented songwriter and musician. This piece was performed as part of her song, Puno.
Chris Balase Aug 2018
Sa pagbuka ng liwayway
Kasabay ng sikat ng araw
Na dumadampi sa aking
Mga panaginip na ligaw

Minsan, sa aking pagbangon
Kasabay ng pagbawi ng unos
At paglubog ng ngiti
Ay mga luhang kusang umaagos

Minsan, sa kabila ng aking
Pagtingin at pagtalikod
Ay nawawasak ang aking
Mga matatatag na bakod

Paminsan minsan,
Naalala kita... tayo,
Naalala ko ang bawat lambing
Ng mga binitawang pangako

Minsan, bumubukas ang mga sugat
Minsan, lumalala ang bigat
Minsan, bunabalik ang nakaraan
Minsan, bumabaliko ang daan

Paminsan minsan, nakikita kita
Sa bawat sulok ng aking ala ala.
Emman Bernardino Nov 2024
Saksi ang mga mata sa pagmamahalan
sa itaas, hinahalikan ng kadiliman
ang kalangitan, kung saan naipasa
na rin ito sa aking kaulapan.
Niyayakap ng saplot ang kalupaan,
at naaakit ang mga mata sa kaputikan.
Dahil dito pinipilit ang katauhan mamalagi
sa kapaligirang punong-puno ng kagandahan.
Tinuturukan ang utak ng mga kulay
na galing sa kaitiman, habang nagsusuot
ng saya. Saya na hindi makatotohanan,
saya na pampalipas oras lamang.
Nauumay, isinusuko na ng katawan,
isinusuka na rin ng katanyagan. Ang
ninamnam na pagbabalatkayo at
ang pagiging bulag sa kasalukuyan.
Parang inaararong lupa ang tinatapakan,
may maipagmamalaki ba ang pagtakbo?
Nagising na ang diwa, ang kamalayan,
Ano kaya ang kinakailangan kong gawin?
Ibinulalas ang tikas ng pangangatawan, at
ang pamamaraan na taglay ng kaisipan,
para sana ay makaraos sa nararanasan. Pero
parang kulang, paano ko ito malalagpasan?
Ah! Oo nga pala! Bakit puro ako?
Kung mayroon namang siya, sila, kami, at
tayo? Paano ako makakatahi kung nasa
iisang butas lang ako at hindi umuusad?
Kung gusto kong gumawa ng damit,
kinakailangan ko ang mga butas para
sa aking sinulid. Sama-sama hanggang sa
makabuo ng isa. Isa't-isang humuhulma ng pag-asa.
Hanggang sila'y nagsiilawan at lumutang
paitaas, tangay-tangay ako hanggang sa
paunti-unting bumubukas ang kalangitan,
binabaha ng liwanag hanggang sa ako'y natalsikan.
Lumiwanag, kasama ko na sila, iisa na kami.
Patungo sa umusbong na daan sa kaliwanagan.
Kung saan, wala ng ako, siya, sila, kami at tayo.
Wala na, wala na, magpakailanman.

— The End —