Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jun Lit Oct 2021
Malambot ang kalimbahin,
talulot ng bulaklak na rosas,
tamang-tama sa pagpapagaan
ng masakit na pakiramdam
ng puro pasâ at bugbog-saradong lila
ng sugatang puso ng isang bansa -
sinugatan ng mga taon ng panggagahasa
ng mga pulitiko, at panghahalay
sa ekonomiya at lipunan.
Nagpapagaling ang kalimbahin.

Tamang timpla ang kalimbahin
ng matingkad na pulang dugo,
inialay ng mga bayani, nag-aalab sa banal
na pag-ibig, pagnanasang lumaban
para sa kalayaang tila napakailap
sa lahing puno ng kasawian
at ng dalisay na puting diwa
ng mga duminig sa tawag ng sambayanan
di alintana ang sarili, busilak tulad ng papel
na walang sulat, na sa ibabaw n’ya
ay mahihiyang maglapat ang isang makata
ng mga talatang sambay-bakod kumbaga.
Masaklaw ang kalimbahin.

Maliwanag ang kalimbahin
litaw na litaw sa tila itim
ng gabing pinakamadilim
sa ating sinalantang kapuluan,
at sa malabo, lalong kumukupas
na pangungunyapit ng bughaw-lilang kalangitan
subalit may sumisilip na’t nagpapalakas-loob
na sinag ng dilaw na araw muli, nababanaag
ang bagong Pag-asa ay binabasag
ang nakabalot na karimlan,
nagbabadya, ibinabaybay
ang ating kaligtasan
bilang isang bayan –
At kalimbahin ang kulay
ng bukang-liwayway.
This is the Tagalog translation of the previous poem "Pink."
Clara Mar 2022
At noong una kong makita ang katawan **** maputla at malamig,
Noong ang suot mo'y mga sugat imbis na alahas at palamuti,
Bala't mga bubog imbis na hikaw na pilak,
Mga pasa't bugbog imbis na koloreteng mas mapula pa sa mamahaling alak,

Kasama ang papel na hawak mo sa iyong kaliwang kamay na nagsasabi,
"Walang salitang lalabas sa iyong mga labi,
Ikaw, ako, at ang siyang oras na nalalabi,
Ang katotohanan ay nakatago sa aking labi,"

Ngunit sa ngayon,
Ang kamay mo'y buhangin,
Na sa lalong paghigpit ng aking pagkakabigkis,
Ay mas lalong nauubos at umaalis,

At sa pangalawang pagkakataon,
Kapag ang mga mata'y muling nagkita,
Ang mga daliri'y hindi na isasarado,
Hindi na hahayaan na kahit isang butil ng buhangin ay malaglag mula sa aking mga palad,

Pero sa ngayong tinitignan kita,
Kahit pa na wala akong makita kundi itim at asul,
At ang mga mantsa ng luhang naging dugo sa kakamakaawa,
Mas lalo kang gumaganda,
At sana,
Pati ang langit makita ka.
The poem was written in 2019 as an entry for the writing committee in a college theater organization. It was written during the height of the EJKs in the country.

— The End —