Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
JOJO C PINCA Dec 2017
Walang sukat ang damdamin at wala rin itong tugma,
Ang wagas na pag-ibig o nagbabagang galit ay walang ritmo,
Lahat ng ito ay dapat na lumaya. Sumabog na tulad sa bulkan
Kung kinakailangan o di kaya ay dumaloy na tulad sa agos ng ilog.
Ganito ang malayang taludturan na aking tinatangkilik, oo alagad ako
Ni Walt Whitman at hindi ko ito ikinakahiya.

Hindi ko kinakailangan na bumilang ng mga araw, lingo at buwan,
Hindi ko kailangan na pagandahin ang mga salitang isusulat ko.
Totoo na gusto ko ring sumikat at makilala ng balana ang maging tanyag
Na tulad ng iba. Subalit wala akong balak na itakwil ang aking tunay na
Saloobin, hindi ko isasakripisyo ang aking nararamdaman para lang
Tanggapin at kilalanin ng iba.

Minsan mala-sutala pero mas madalas ay magaspang na tulad sa sako
Ang mga salitang ginagamit ko. Hindi ako nanunuyo sa halip madalas ako’ng
Nagmumura at nang-uusig. ‘Pagkat yan ang laman ng aking dibdib at hindi
Ko ito ikinakahiya. Malaya ako na tulad sa malayang tauldturan na itinataguyod ko.
Putang-ina ko man kahit hindi ako ma-publish gagawin ko parin ito.

Hindi ko pakikinisin ang magaspang na katotohanan, hindi ko pababanguhin
Ang nangangalingasaw na kaganapan ang isusulat ko ay ang tunay lamang.
Magiging tapat ako sa aking damdamin, hindi ko uulolin ang aking sarili at hindi
Ako mag-iinarte sapagkat hindi naman ako artista. Hindi ito Sunugan o Flip Top ito ang
Tunay na ako na s’yang nagsasalita. Hindi ko kailangan na magpatawa.

Ang tunay na makata ay naglalahad ng katotohanan hindi ng mga salitang
Gustong mapakinggan lamang ng mga taong bumabasa ng kanyang mga tula.
Walang sukat at walang tugma ganito ang tunay na demokrasya. Damdamin ko
Ang magdidikta, ito ang panginoon ng aking panulat.
JOJO C PINCA Nov 2017
kumikinang ang mamahaling parol na nakadambana sa bintana ng mansion na nasa loob ng isang malaking subdivision. nagniningning ang patay sindi nitong kulay na umaaliw sa balana. salamat sa malaking pakinabang na kanyang kinita nang walang anomang pakundangan sa dugo at pawis ng mga abang manggagawa.
nasa kanyang sala naman ang mataas na Christmas Tree habang sa paanan nito nakahandusay ang kahon-kahon na magagarbong mga regalo. malayong-malayo ito sa barung-barung ng mga nagtitiis sa siphayo ng dusa at karalitaan.
ang mahabang lamesa na nasa kanyang komedor ay talagang pinagpala sapagkat nakapatong dito ang hiniwang hamon, keso de bola, spaghetti, carbonara, lasagna, ubas at ang lahat ng masasarap na pangarap ng isang batang kalye na kumakalam ang sikmura habang tinitiis ang ginaw ng Disyembre.
matapos ang kanyang masaganang Noche Buena ay mauupo sya sa kanyang malambot na sofa na di halos mabilang ang libong halaga. dun n'ya iinumin nang buong pagmamalaki ang mamahaling brandy o di kaya naman ay whiskey.
katabi ang kanyang pamilya sabay-sabay silang manonood ng misa habang nakatuon sa higanteng flat screen na telebisyon. ang homily ng ingleserong pari ay patungkol sa pag-ibig sa kapwa at pagbibigayan.
Jun Lit Sep 2017
Ang EDSA ay kumakaway
Ang bayan ay nakaratay
Saklolo ay hinihintay
Marami nang napapatay

Ang EDSA ay tumatawag
Ang baya’y di makapalag
Pambabastos di masalag
Kahit mali’y pumapayag

Sinungaling, hindi tapat
Pati lahat n’yang kasabwat
Naniwala naman lahat
Instant solve daw droga’t kawat

Ngunit ngayo’y malinaw na
Na ginawa tayong tanga
Magnanakaw 'nilibing pa
na bayani, An'yare na?

Ang EDSA’y nagmamadali
Kaliluha’y naghahari
Tama’y ginagawang mali
Ang ganito’y di maari

Bayan noo’y nagkaisa
Diktadura'y itinumba
Karapatan ng balana
Hindi pwedeng ibasura

Diktadura’y hindi dapat
Mapabalik at magkalat
Kapag kapit-bisig lahat
Lakas ay walang katapat

Ang ‘EDSA One’ ay larawan
Nanindigang sambayanan
Aral ay hwag kalimutan
Kalayaa’y IPAGLABAN!
Jun Lit Nov 2020
Bumalikwas ang madaling araw
Mapula ang sinag ng malamlam na ilaw
Mula sa pagkagupiling ng iniwang gabi
Isang paos na tilaok pinilit magsabi
Tila inutil na tuod ang unan at papag
Walang tugon ni tikhim man lang
para sa likod at ulong lumapat

Mapagkunwari ang kulambo
Lamok pala’y kalaguyo
Akala ng balana’y karamay
Sa magdamag na paglalamay
Batang ipinaglihi sa Sto Niño
Ibebenta pala sa demonyo

Naglaga ng kape ang among kapre
Butil daw ay hinirang ng musang na tumae
Galapong pala’y napanis na sapal
Nilagyan ng dagta ng nilinlang na bangkal
Bang-aw na ang panatikong tagasunod
Lublob na sa pusali, puwit pa rin ang hinihimod:

          Sayang ang kita, mamaya’y bayaran na!
          Copy-paste-post - sige pa!
          Ang perang kikitain ay mas mahalaga
          May paburger pa sina konsi at mayora
          O e 'no kung nasa poso ***** tanang kaluluwa?

Bayaning tangan ay tabak, tila nakanganga
Kinain na ng anay ang papel at pluma.
Brewed Coffee - 12; 12th in a series of poems mostly focusing on my memories of Lipa, the place of my birth, childhood and teenage years.

— The End —