Sa t'wing pinagmamasdan ko
ang mapayapang pag-alon ng tubig sa asul na dagat,
naalala kita.
Sa t'wing dadampi sa'kin
ang malamig na simoy ng hangin,
naalala kita
Sa t'wing tatama sa aking mga balat
ang malinaw na tubig ng karagatan,
naaalala kita
Ang kapayapaang dala sa'kin ng mga iyon
ay nagpapaalala kung gaano kagaan
ang pakiramdam na iyong dala
Ngunit napagtanto kong,
hindi araw-araw ay kailangan kita
hindi palagi'y kailangan ko ang 'yong presensya
Hindi araw-araw kailangan kong ilublob
ang aking mga paa at hintaying lumapit ka
upang alisin ako sa pagkakalunod
sa kalungkutang nadarama
Hindi dapat ako umasang sasagipin mo ako
sa mga oras na nanghihina at 'di makatayo
dahil kailangan kong humakbang mag-isa—
at maging matatag kahit hindi ka na kasama
Masakit panigurado,
pero iyon ang hinihingi ng mundo
Ang isuko natin ang laban na ito
dahil hindi lahat ay dapat ipanalo
Palayain na muna natin
ang ating mga sarili sa ngayon
Dahil alam kong magtatagpo ulit
tayo — pagdating ng panahon.