Sana pwede akong patulugin at paganahing kumain ng inyong mga at least.
At least hindi sila naparis sa mga nawala na lang sukat.
At least di sila nakitang palutang lutang sa ilalim ng Jones Bridge.
At least hindi ko na kailangang halughugin ang mga gusgusing morgue
makita lang sila.
At least buhay sila-
nakakulong nga lang,
may kaunting pasa sa tadyang.
Sa totoo lang,
nakakabingi ang inyong mga at least.
Wala itong silbi sa akin sa kasalukuyan.
Parang gabundok na labahing poproblemahin.
Parang lukot na polo na makikita ko sa salamin.
Parang masikip na brief at basang medyas.
It *****.
Hinuhubad nito lahat ng panatag na larawan sa aking isip.
Ginugulo nito ang relasyon ng subject at predicate sa aking mga pangungusap.
It really *****.
Bakit naman kaya ako makukuntentong-
at least buhay sila?
Eh, sa ganitong bansang
ang mga namumuno’y tila 3 for 50 na DVDng ibenebenta sa Raon-
sino ba dapat ang nakakulong?