Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member

Members

Ivy Dianne Magtibay
PH    Write your thoughts. Drown with the feelings
Mary Joy Magtibay Patal
Singer, Journalist, Actor.........JAMESIAN

Poems

Vincent Liberato Oct 2018
Ang tauhang ito ay kung lumisan sa mundo—mananatili na lamang ang mga salita, ngunit walang kahulugan ang buhay o hindi alam ang kahulugan ng buhay.

'Walang pag-iral ang tao sa lipunan hangga't 'di kailangan ng lipunan ang tao.' Ang bulong ng tauhan kasunod ang buntunghininga na nasa kawalan na. Tumigil lamang ang tauhan upang pagmasdan ang kumukurap-kurap na liwanag sa rurok ng poste. 'Kahit anong tatag at tibay nito, kung ang liwanag nito sa rurok ay pawala na—wala rin.' Ang bulong muli ng tauhan sa sarili.

Biglang bumuhos ang lakas ng ulan habang pinagmamasdan ng tauhan ang poste. Sa lakas ng lagatik ng ulan, ngumiti lamang ang tauhan. Ngumiti lamang sa kabila ng buhos ng ulan sabay tumawa. Sa mga sandaling iyon nasa kawalan ang tauhan—nasa kawalan ng ngiti—nasa kawalan ng ulan.

Umuwi lamang ng may ngiti ang tauhan sa kabila ng buhos ng ulan. Madilim at liblib ang kuwarto ng tauhan katulad na lamang ng damdamin at pag-iisip ng tauhan. Sa pagitan ng bintana't pinto. Kumuha ng lubid at upuan ang tauhan. Inilagay sa pagitan ng bintana't pinto ng liblib na kuwarto ang upuan. Tumungtong ang tauhan habang hawak ang lubid, itinali kung saan dapat itali. Itinali sa sarili—iginapos ang katapusan sa leeg—ipiniid ang mga mata. Tumalon na lamang ang tauhan sa upuan sa pagitan ng bintana't pintuan ng liblib na kuwarto. Pumanaw na lamang ang tauhan ng buhay, ngunit may taning.

Sa ganoong paraan, nalaman ng buong lipunan na kabilang sa lipunan ang tauhan. Nalaman muli ng lipunan ang pag-iral ng tauhan, ngunit nang pumanaw na ito. Kabilang na muli ang tauhan sa lipunan, ngunit kabilang sa mga pumanaw.
Ace Jhan de Vera May 2016
Maligayang bati,
Sa aking pagsilang,
Walang bakas ng gunita,
Walang alaala ng nasabing araw.

Nagdaan ang mga taon,
Namulat sa katotohanan,
Na hindi marunong magpatawad ang mundo,
At hindi ito titigil na para lang sayo.

Nagdaan ang mga taon,
Ilang kaarawan ang lumipas,
Andiyan ang pancit,
At ang keyk na nakahanda,
Sa hapag kainan para pagsaluhan,
Mga ngiting di mabakas,
Nagpapasalamat sa biyaya.

Ngunit ito ang unang taon,
Kung saan maghahanda ako,
Hindi para sa iba,
Kundi para sa sarili ko.
At aanyayahan ko kayo,
Nawa'y sana'y makadalo,
Habang unti unti kong inilalapag,
Sa ating hapag, upang ating pagsaluhan.

Maghahanda ako,
Ihahanda ko ang sarili ko,
Na ang puso ko'y tatayuan ko ng pader,
Na papalibot dito,
Dahil pagod na kong masaktan,
At nahahapo na ang aking katawan.

Maghahanda ako,
Na ibaon ang bawat alaala.
Ang tamis nang bawat halik,
Ang kuryenteng dumadaloy sa aking katawan,
Mga labing bumubuhay nang aking kamalayan.

Ihahanda ko din,
Ang aking sarili,
Na unti unti nang humakbang,
Papalayo sa nakasanayan,
Kung ano ang aking kinamulatan,
Sa loob nang mga taong pinagsamahan.

Mga umagang iyong mukha ang bumubungad,
Sa aking mga mata,
Habang ika'y pinagmamasdan,
Sa taimtim **** paghihimlay,
Habang ako'y nagninilay nilay,
Eto na ba ang pagibig na hinihintay?

Kaya mahal sa aking kaarawan,
Kasabay ng pagihip ko nang kandila,
Magpapaalam na ako sayo,
Paalam na sa mga gabing kayakap kita,
Sa mga sandaling magkakapit bisig tayo sa ilalim nang mga bitwin,
Na kung saan langit ang saksi sa ating pagmamahalan,
Sa mundong tayo lang ang nagkakaintindihan.

Pipikit ako,
At uulit ulitin ko ang mga salitang;
"Handa na ako"
At hihiling ng lakas ng loob,
At tibay ng sikmura,
Bibilang ako ng tatlo,
Isa,
dalawa,
Tatlo,
At sa aking pagdilat,
Hihipan ko ang kandila,
At magpapaalam na sayo.