Dilaw na trayanggulang babala Ilang hugis lobo na sayad sa lupa Parisukat na alaga'y basong nag-iisa Naghihintay sa ekstrangherong sasaling muli Nang ang dati'y maitapon Ang bago'y maidampi na sa uhaw na lalamunan.
Naglaho sila't nagsipangwala Ang lupa'y hati sa sukat na pantay Nilamon ang mainit na hangin, Umihip ang taglamig na hindi nyebe Bumulong sa akin, ngunit walang pahiwatig.
Tila namamasyal ang telang marumi Pupuswit ang tubig mula sa bibig Ipon nya'y kayrami, Bukas sana'y maubos na ang mga ito Nang ang dungis ay pahiran din ng malinis na likido.
Parehas ang kulay ng tumawid sa linyang puti Higit sa isa ang bawas na sinyales Akala ko'y kilala ko, ngunit naglaho sa usok Ang apat na bilog na itim, Gumulong at rumolyo sa aspaltong pulbura.
Itong may pula ang sutla Itim ang tangan na may kasama pa Bumungad at inihaing may lista Ngayon pala'y may salamin sa harap Malayo ang hugis at ang porma Hindi ko na binalingan ng pansin Ngayo'y laos na ang bawat eksena.