042926
“Sa libu-libong pagkakataon
Na Tayo’y magkasama,
Iilang ulit pa lang kitang
Nakitang masaya.”
Mga linya buhat sa kilalang awitin
Sa aking lenggwahe
At alam kong hindi mo ito maiintindihan.
Maging Ang mga kamay ng orasa’y
Napapagal na sa paghihintay.
Nalulunod pa rin ako
Sa karagatan ng aking isipan.
Kung saan ang mga bangkang papel
Ay wala nang paglalagyan —
Mga pahinang ipanubaya ko na.
Sambit mo’y hindi pa rin ako nakakausad —
Sinusuyod ko pa rin
Ang mga kalsadang lubak-lubak
Na para bang hindi ko na alam
Kung papaano bumalik.
At napagtanto kong
May mga kataga pa rin palang
Tatangay sa aking kaisipan
Na tila ba sinusubukan nitong buksan
Yung kusa ko nang isinara.
Ano nga ba ang kahulugan
Ng mga salitang “Mahal Kita?”
Kailan nga ba yung huling pagkakataon
Na ibinunyag ng aking mga labi
Ang kahiwagaan nito?
O ang dapat bang katanungan ay,
“Kailan at paano ko natuklasan
Ang aking sarili na nalulunod sa mga ito?”
Siguro nga, tama sila
Tama ang karamihan
Na maging ang emosyon ko’y
Isang nyebeng nais pang kumutan.
Gusto kong sabayan
Ng pagpatak ng mga luha
Ang mga kumunoy na humahatak
Sa mga hinagpis ng nakaraan.
Pero paano?
Kung maging ang bawat letra’y
Nawalan na ng kahulugan
At tuluyan ko na ring nakalimutan?
Ito nga ba ang paksa
Ng aking pagsalaysay?
At sa halip na ang pag-usad
Ang maging hantungan ng lahat
Ay mga bubog pa rin ang nananalantay
Sa mga pahinang isinalipadpad na rin
Patungong Kalangitan.