PANAGINIP
Tahimik, sasakyan lamang ang maingay
Ngunit nagagawa pang magnilay-nilay
Balikan ang panaginip na may lumbay
Isusulat at ikukwento ng mahusay
Umaga na ngunit madilim ang paligid
Ramdam ko ang simoy ng hanging kay lamig
Nagulantang sa masamang panaginip
At napansin kong may luhang nangingilid
Pangamba’y namuo sa ‘king mga mata,
Pagkat nakaramdam ng konting kaba
Sa panaginip na waring ‘di maganda
Sa isip ko’y naroon at nakapinta
Animo’y napagod habol ang hininga
Kabog ang dibdib pagkat nag aalala
Anaki’y totoo damang dama ko pa
Emosyon na waring umagaw ng saya
Ang panaginip minsan ay karanasan
Guni-guni pag-iisip, pakiramdam
May panaginip na hindi malimutan
Parang totoo tagos sa ating laman