Sa tubig na bumabalot sa ating lupa, Mababanaag ang katotohanan; Pagkat ang tubig ay pantay sa lahat ng nilikha.
Tayo’y bahagi ng malawak na karagatan Ng pakikipag-kapwa, ng pantay na pamumuhay; Kaya’t dama ng bawa’t isa ang kasalanan ng iilan.
Marahil dahil sa tubig na bumaha sa lupa, Na kanilang sinaklaw, gamit ang makamundong hangarin; Ginamit ang talinong hiram sa masamang adhikain.
At dahil pantay nga ang pagtrato ng tubig sa atin, Ang lahat ng maghangad ng higit sa kaya nilang inumin Ay malulunod sa sariling kasakiman.
Pagkat ang tubig, ilog, dagat, at karagatan—ay kakampi ng Pilipino; Tayong mga dating taga-ilog, mga Tagalog, Ngayo’y muling ginagabayan Ng makabagong anyong tubig…
Na sa kanyang pagdating, may dalang pagkasira, Ngunit sa pagkasira, naroon ang pagbangon.
Sapagkat dumadaloy ng pantay ang tubig sa lahat ng nilikha, At tayo’y bahagi ng isang dakilang karagatan.
Sa baha at sa sigalot na dulot nito, Natitipon din ang pag-asa ng bayan.