Namuo ang mga luhang walang awat na nagpararamdam, At sa kabila ng paghilot sa katauha'y Daragsa ang hindi maintindihang elementong bumabalot sa liwanag.
Una, Nasilayan ko ang larawan ng mag-inang minsang naging kabahgi ng akingnakaraan, Kung saan naging bukas ang kanilang pintuan Para sa mga kung anu-anong okasyon, Mga pagpupulong na wala sa usapan, Mga tawanang walang kabuluhan.
Ipinagkait ng pagkakataon ang paalam Na sana man lamang ay naging harap-harapan. At ang paalam na ito'y hindi malaman Kung kailan ang simula at katapusan.
Pangalawa, Sa pagitan ng pag-aaral at paghahanapbuhay Ay namuti ang pangarap na lisanin ang kinasanayan. Ngunit sa mismong araw ng kanyang paglilitis Ay iba na pala ang nasa linya't nagbitaw ng mga salitang, "Wala na sya."
Kinitil ang pangarap ng tadhana At tuluyang naglaho ang alaala ng kanyang katauhan.
Pangatlo, Sa apat na sulok ng pag-uusig Ay naging bukas ang pagsalasat ng katotohanan buhat sa magkabilang panig. Ang kanilang mga hain ay higit pa sa poot Na may panghuhusgang bitbit at sigaw sa pula at sa puti.
Naubusan sila ng mga salita at nagtapos sa paghihiwalay Ang kanilang mga ngitian at halakhakan, At ang minsang pagbubunyi ay naging palitan Ng liham ng paalam at katapusan.
Pang-apat, Sa pagpunit ng bawat pahina ng kalendaryo Ay nagwakas na rin ang kanilang pagkikita Ang lihim ay idineklara't nagpaubaya na lamang sa Langit Ang dalamhating tugon sa pag-ibig Na sana'y may bukas at makalawa pa.