Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Mar 2021
Sana buhay pa rin ‘yung konsepto ng pagiging superhero nu’ng mga bata pa tayo.

‘Yung mga panahong masaya nating ginagaya si Superman o si Wonder Woman. Kunwari may kapangyarihan tayo at hangad nating makapagligtas ng mga tao. ‘Yung kaya nating buhatin ang mabibigat na bagay o ‘di kaya’y lumipad lagpas sa mga ulap.

Sana hindi ‘yun nawala.

Sana naniniwala pa rin tayo sa mahika, o sa himala, o sa mga pantasya na bumuo sa’ting pagkabata. Na kahit nadaragdagan ang mga taon sa buhay natin, hindi natin malimutan na tayo’y mga bayani sa’ting mga sarili —

Na nakakapagligtas pa rin tayo ng ibang tao sa pagiging mabuti, na kinakaya nating buhatin ang mabibigat na pagsubok at pighati, na kaya nating liparin ang mga pangarap nating mas mataas pa sa mga ulap.

Sana kahit kabisado na natin ang totoong mukha ng mundo, may bahagi pa rin ng pagiging bata sa’ting puso — mamangha pa rin tayo sa mga bagay, at kasabikan pa rin natin itong buhay.
Written by
Prince Allival  27/Transgender/Manila
(27/Transgender/Manila)   
447
 
Please log in to view and add comments on poems