Tumigil na ‘kong suyurin ang bawat sulok para tuntunin ang para sa’kin. Huminto na ‘ko sa kakahanap, kakatanong, at kakatingin. Ayoko nang pilitin ang ayaw pang magpakita, ang ayaw pang sumilong sa lilim — ang ayaw pang dumating.
Natuto na ‘kong maghintay. Marunong na ‘kong pumirmi sa isang lugar at ibilad ang sarili sa ibang bagay. Alam ko na kung paanong ang pag-iisa ay maaari kong gamitin para kilalanin pa ang buhay. Na nagbabago pa rin ang kulay ng langit sa maghapon kahit wala akong kasama, o kasabay.
Umiikot pa rin ang mundo. Hindi ito humihinto dahil lang mag-isa ako. Kaya’t tumigil na ‘kong suyurin ang bawat sulok para lang hanapin ka. Ayoko nang pilitin ang mga bagay o tao kung hindi pa ito handa.
Basta. Bahala na —
Hihintayin na lang kita, hanggang sa dumating ang panahong p’wede na.