Nakatindig sa harap ng mga nangagdaan Sa pagtunog ng batingaw, ikaw ang s'yang naaalala, na ikaw sana'y magbalik. Ako ngayo'y nakabinbin sa bangin ng kalungkutan: Nasa'n ka na nga ba? Sadyang 'di kita matanaw kahit man lang ay saglit.
Nalulunod ako sa mga luha sa bawat oras ng pagkadapa, Nakapako sa krus ng pag-iisa't pighati; 'Sang pinsala dulot ng pag-ibig na nawaglit lang ng bigla Nasa'n ka na nga ba? Hinahanap-hanap kita sa bawat sandali.
Nakakulong sa rehas ng iyong pagmamahal, At sa pagdating ng hating-gabi, ginagapos ng lubid ng karimlan: Walang mahagilap na dahilan sa paglayo mo mula sa 'king piling, Bukod-tanging kahapon na lamang ang aking sinusubukang gunitain.
Subalit gulo ang s'yang aking batid, pait ang s'yang aking lasap; Ni walang kapayapaan, ni bigkis man lang ng galak. Tayo sana'y habangbuhay na, ba't ka pa lumisan? Nasa'n ka na nga ba?
At kung hindi ka pa rin darating, sa panahong mundo na'y magdidilim, Maghihintay pa rin ako sa 'yo hanggang mayro'n pang akay na takipsilim.