Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jan 2021
///
Paano ko pa sasabihin kung kailangan ko ng limutin? Pati panahon na aking inaasahan, aking kalaban. Malayo ka. Malaya ka.

Bakit hindi na lang ako? Siya ba ang itinadhana sa iyo? Masaya ako para sa iyo. Dalangin ko ang kaligayahan mo. Pero bakit hindi na lang ako? Mapait ang panlasa ko. Nasasaktan ang puso ko. Kalungkutan ang baon nito. Itatago at iingatan na lang mga ngiti mo. Hindi ko na alam kung saan ako patungo.

Alam ko, mag-aalala ka para sakin. Alam ko, malulungkot ka para sa atin. Huwag na. Ako na lang para sa ating dalawa kaya awat na. Huwag mo sanang isipin na isang kasalanan. Hindi ko rin naman malaman. Basta na lang naramdaman. Gusto ko namang iwasan. Gusto ko namang pigilan. Ano bang dahilan? Mayroon ka bang kasagutan? Paano, mauuna na ako sa katapusan.

Tiyak ko, lubos ka niyang pahahalagahan. Nakikita ko naman ang inyong pagmamahalan. Mas madalas man na ako ang lisan at ang pag-ibig ko ay di suklian, marami na rin ang aking iniwan at tinalikuran. Nawa'y ang lahat ng ito ay di mo na maranasan. Kung maipapangako niya lang sana na di ka sasaktan at pababayaan. Oo, kusang-loob na bibitaw, kahit pa pumanaw.

Alam ko, isa lang naman akong kaibigan. Hinahanap ko lang rin naman ang mga kasagutan. Parehas natin gustong maintidihan. Alam ko, ako'y iyong papakinggan. Tulad ko sayo, ikaw, ay aking kaibigan. Wag mo muna akong talikuran. Maari kayang dahan-dahan? Ngiti ka muna at ako'y pagbigyan.

Hindi ka mawawala sa aking hiraya kahit papunta ka at mananatili sa piling niya. Kung bakit ba naman sa pagkakalayo nating dalawa kita unang minahal at ninais na makasama. Kung bakit ba naman sa iyong pananahimik natuto ang puso ko na umibig nang may pananabik.

Ikaw naman ang mauna sa ating dalawa. Dito na lang muna ako, tatahan at magpapahinga. Maghihintay pa rin sayo at hindi susuko. Kapag dumating ang panahon na mangulila ang iyong puso, bumalik ka sakin na tumatakbo at nagmamadali. Sabay na tayong magsisimulang muli at iiwan itong ating dulo.
Simula sa Dulo
Gamaliel
Written by
Gamaliel  30/M/Pilipinas
(30/M/Pilipinas)   
790
 
Please log in to view and add comments on poems