Umaalingawngaw pa rin ang mga putok tila tatlong tilaok ng tandang sa madilim na sulok Ilang supot ng pilak kaya ang kapalit May pagbati pa ang mga Hudas, tila pataksil na halik.
Magdamag na at maghapong pumapatak ang mga butil ng dalamhati mula sa mga ulap kasabay ng daloy ng aming walang katapusang pag-usal ng “Bakit? Bakit? Bakit? Bakit? Bakit?” at impit na buhos ng mga luha mula sa mga dinurog na puso.
Kahit si Mariang Makiling ay nakatalukbong ng malungkot, makapal na ulap – mistulang tinabunan ang mga pangarap wala ni pipíng kasagutang maapuhap.
Wala, wala, wala . . . Wala akong mahagilap na sagot Tumitibay lamang ang aming paniwala ang bayan ay patuloy ang pagkapariwara ang daluyong ay nasa laot, lumulubog ang bangka
Katarungan ay mailap Hinipan man ang kandila Naroon pa rin ang iyong liwanag Madilim man ngayong gabi Gagabay ka sa aming paglalayag
Kami na rin ang lumikha ng sagot At iisa lang ang aming alam Pagmamahal mo sa ating bayan kailan man ay hindi malilimutan Lagi at lagi kang pasasalamatan At ang lahat ng iyong marami at magagandang sinimulan Ipagpapatuloy para sa kinabukasan.
The town grieves. - dedicated to the memory of Mayor Caesar P. Perez, fatally shot on the night of 03 December 2020