Bumalikwas ang madaling araw Mapula ang sinag ng malamlam na ilaw Mula sa pagkagupiling ng iniwang gabi Isang paos na tilaok pinilit magsabi Tila inutil na tuod ang unan at papag Walang tugon ni tikhim man lang para sa likod at ulong lumapat
Mapagkunwari ang kulambo Lamok pala’y kalaguyo Akala ng balana’y karamay Sa magdamag na paglalamay Batang ipinaglihi sa Sto Niño Ibebenta pala sa demonyo
Naglaga ng kape ang among kapre Butil daw ay hinirang ng musang na tumae Galapong pala’y napanis na sapal Nilagyan ng dagta ng nilinlang na bangkal Bang-aw na ang panatikong tagasunod Lublob na sa pusali, puwit pa rin ang hinihimod:
Sayang ang kita, mamaya’y bayaran na! Copy-paste-post - sige pa! Ang perang kikitain ay mas mahalaga May paburger pa sina konsi at mayora O e 'no kung nasa poso ***** tanang kaluluwa?
Bayaning tangan ay tabak, tila nakanganga Kinain na ng anay ang papel at pluma.
Brewed Coffee - 12; 12th in a series of poems mostly focusing on my memories of Lipa, the place of my birth, childhood and teenage years.