Ilang dekada na ba ang lumipas mula nang huling namúti ng mga labong sa kawayanan sa dulo ng kapirasong lupang minana sa kanunuan ng angkan?
May bakas pa sa daanan ang dug-out na tinabunan na ng mga naputol na sanga at mga winalis na dahon, naputol na sanga at bubot na bunga ng mga chico, caimito at mangga, na palaging inaakyat ng mga kuya at nang-iinggit pa kunwari tuwina at pagkababa’y mamimigay rin pala - dug-out na tagapagligtas, taguan noong panahong tila baga’y kani-kanina lamang, sa mga mababangis na kempeitai, sa malupit na pandaigdigang giyera.
Halos nalipol ang angkang bansag ay bisero, umangat sa buhay dulot ng mga alagang kabayo pagkatapos ng Liberation naging kaminero mga kabayo’y kinatay ng mga bakero na sila ring nambayoneta ng maraming tao pagsaksak patulák sa balong igiban ng baryo pati mga musmos at mga inang nagpapasuso kulóng sa kamalig, sinunog nang buhay, at naabó.
Tila nakalimutan na ang madilim na nakaraan at walang napulot na aral sa kasaysayan ngunit natakpan man ng ningning ng mga ilaw-neon at malawak na highway ang dating batalan at tuklong Ang lansa ng dugong namuo sa balon sa sinturisan, palaging nagpapaala-ala ng damdaming kinukuyom.
At ngayon, wala nang mananakop na Hapon. pero may pumapasok na bagong panginoon - Handa nang himurin ang puwit ng mga Tsinong maton.
Brewed Coffee - 11; 11th in a series of poems mostly focusing on my memories of Lipa, the place of my birth, childhood and teenage years.