At sumibol ang mga mapagbunying isipan sa makapal na balat ng lupa. ang pinagtatakhan ko lang ay bakit tila tinatangay tayo ng malakas na daluyong ng karunungan patungo sa dagat ng kalituhan? ito ba'y matatawag na kamangmangan sa sarili o sakit na nagdudulot ng panghihinang tumayo sa paa, na taas ang noo, at may pagkukusa? ano nga kaya ang nagtatago sa likod nitong makulay na isipan?
nanatili ang karamihan na pikit-mata sa pagtanggap ng mga kaisipan ng kapwa habang ang iilan ay abala sa paghubog ng mga bagong panaginip na syang lililok o lilipol sa buong sanlibutan. hindi man sinasadya, o inaasahan, nagsilbing mantsa sa puso't puson ang mga panaginip na ito. kahit na sa mga pagkakataong sarado tayo. walang malay nating sinasagap ang mga pakalat-kalat na talino na para bang pagkain kung ito'y manukso sa nagugutom na kalamnan. kahit pa ito'y ikamatay, mapagbigyan lamang ang uhaw na nararamdaman. hanggang sa tuluyan na itong umalipin sa sinumang magtangka na kumawala.
o sumpa ng galit na apoy ng nagbabagang impyerno? tayo lang ang inaasahang sumaksi, maging alin mang panig ay tama o mali. malaya tayong mag-isip at mawalan ng saysay na parang alikabok sa higanteng pusod ng mabangis na lipunan. o kaya naman, palihim na sumibol sa gitna ng disyerto kahit na nag-iisa.