Kumusta? Hangad kong nasa mabuting kalagayan ka. Ilang linggo ko nang hindi nasisilayan ang mga ngiti mo; na kahit bihira, nakahahawa. Matagal-tagal na rin noong huli kong narinig ang ‘yong mga halakhak; na kahit mahina, dama ko ang ligaya. Maging ang katahimikan mo’y hindi ko pa rin limot Hindi nakasasawa ang hindi mo pagpansin sa akin. Huwag ka mag-alala, hindi ko minamasama ang mga pagsasawalang-kibo. Sariwa pa rin ang mga pagkakataong lumagpas ka sa harapan ko Sa katunayan, gabi-gabi kong ipinagdarasal na darating din ang araw na lilingunin mo ako. At ngayon ngang ‘di tayo nagkikita’t nag-uusap Yayakapin ko ito bilang paghahanda.
Hindi ba’t pamilyar ka naman sa mga taong sinusungkit ang mga bituin at buwan? Pagkatapos ay iaalok sa kanilang mga kasintahan Na para bang mga prutas na hinintay nilang mamunga sa kanilang mga bakuran. May kakilala ka nga yatang tumawid daw sa maraming ilog at umakyat ng pagkakatayog na mga kabundukan Sinaluhan sa hapunan ang mga diwata’t Pumaslang ng mga halimaw kinabukasan; upang siya’y puntahan. Marahil ay narinig mo nang may minsang pumasan ng daigdig para sa kaniyang nobya Ngunit sa huli’y hindi naisakatuparan. Umasa ang nobya. Umiyak ang nobya. Ang nobya marahil ang pumasan sa halip na siya May isa nga sigurong nagmalaki na bubuo raw ng pira-pirasong ikaw Na tila kontrolado niya ang mga piyesa ng buhay mo. Pamilyar, hindi ba? Ngunit,
hindi ganito. Hindi ganito ang aking paano.
Oo. Naiintindihan kong ang ilan sa mga ito ay idyoma o eksaherasyon lamang Pero nangangamba ako na baka pagod ka na; Na baka nabibingi na ang iyong mga tainga Sa paulit-ulit na pangangako; Na kahit ang talulot ng mga mabubulaklak na salitang ‘to ay tuyo na. kahihintay sa tapat at sa tunay.
Ayokong magpaganggap. Pagod na rin akong magkunwa-kunwariang kaya ko ang lahat. Dahil sinta, hindi.
Hindi ko masusungkit ang mga bituin at buwan pero handa akong samahan kang panuorin sila. Hindi ko kayang sa isang araw ay tumawid sa maraming ilog at umakyat ng kabundukan pero ituturing kong mahalaga ang bawat oras na kasama ka Aking pagtatrabahuhang makarating sa araw na palagi kitang kasama sa hapunan at sabay nating papaslangin ang mga pangamba sa umaga. Hindi ang daigdig; ngunit Pakakawalan ko ang mga pasan-pasan kong takot; Kawalan ng tiwala sa sarili; Ang inggit. Hindi ito pagbabanta, sinta. Pero ipanganganak ang mga araw Na aasa ka; Na iiyak ka. Subalit, wala itong kakambal na paglisan.
Uulitin ko.
Ayokong magpaganggap. Pagod na rin akong magkunwa-kunwariang kaya ko ang lahat. Dahil sinta, Hindi
kita iiwan.
Ganito ko marahil sasabihin sa'yong gusto kita Pakapakinggan mo sana. ---