Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jan 2020
Sa ngalang makahiya ay nawawari
Palaging nag-iisa at nangingimi
Daho'y tumitikom kapag nasasagi
Kahiman sa patak ng ulan sa gabi
ay tila may alerhiya't pangangati

Di nababatid kung mayro'ng ipagsabi
Dalawin ng hangi'y siya rin magtimpi
Sinanay na pumipinid ang sarili
Kaya lubhang masukal maiintindi
Nakikitang walang pahayag 't lunggati

Sa banayad na sanggi'y humahapdi
Ang buong tangkay ay parang nababali
Sinadya na labis ang sanggalang dagli
Sapagkat takot na mahipo parati
At sa kinabukasa'y bubuka muli

Matampuhing halamang namamalagi
Sa diwa'y natigalgal nang kumukubli
Anong alamat 't  pinanggalingang uri
Bakit ang iba ay ayaw kumandili
Sa lalang ng D'yos nasasaktan sa anggi

Lapain man ng pantas ang mga bahagi
Ay di matalos kung bakit tumutupi
Ang kaganapan ng agham 'y lumalapi
Sa pagkagulumihanan ng pagsuri
Guwang sa bahay ng dunong nanatili

Yaon taglay na mga tinik ay mumunti
Madalas nagagambala't inaapi
Ng mapangahas na palad at daliri
Dahil sa tingi'y manunusok ang gawi
Tinuring kapintasa'y ikinamuhi

Kung hahawaka'y nangungulubot dali
Umuurong ang awra kahit tanghali
Duwag sa damdamin - puro atubili
Nagbabantulot ang kilos at ugali
Balasik na katangia'y itinanggi
Alerhiya - allergy
Written by
kingjay  23/M/Antique
(23/M/Antique)   
1.3k
 
Please log in to view and add comments on poems