Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Feb 2020
Ikasampung lagok na
at higit pa
ng mainit **** ala-ala
subalit malapit man
wari kung aking tinitingnan
sa sulok ng napadpad na isipan
sa kabilang ibayo ng mga pananaw
sa malayong dalampasigan ng pagkatao,
hindi ko kayang abutin
ang pinutol kong pusod
na sa puting lampin ay ibinalot,
at ibiniting tila bituin sa mga alapaap.

Maghapon ko mang lakarin
mula sa aking pusong pinabango
ng galapong na bagong giling,
na kung saa’y tiniis ang init ng kahirapan
habang isinasangag ang bawat butil
ng sanlibo’t sandaang ari-muhunan
mula sa masuyong pinagsikapan,
pinagtiyagaang alagaan -
puno ng liberikang kape
ng lupang sinilangan.

Malayo, malayo na ang Lipa
madaling lakbayin sa malawak na kalsada
na dumaraan na ngayon sa kabundukan
ng Malarayat
na noong musmos pa’y
malayo, malayo, malayo . . .
tanging nakakarating lamang ay mga uwak
at sabay-sabay na lumilipad na tagak
sa takip-silim nama’y mga nagsasalimbayang kabag.
Noo’y maliliit pa ang puno ng sintunis
Ngayo’y natabunan na ng palitadang makinis
Hinahanap ko ang lungga ng dagang bulilit
At puno ng bitungol sa unahan ng lumang bahay
na inaakyat ng mga paslit
napawi na rin ang matayog na tahanan
tila binura ng kapalaran
at mistulang iginuhit ng chalk lamang
sa pisara’y kumupas na larawan.

Natabunan na ng bundok
ng mga alikabok ng ala-ala,
wala na tahanan, o ang lumang pisara
tila nawaglit ang apat na dekada

Malayo na ang lumang Lipa
at katulad ng dahong alamat ng ngalan nya
makating-masakit at di makakalimutan
ang mga karanasan at mga aral na dala

Kung wala na ang bigas na kinanda
magtitiis ako sa samyo ng binlid at ipa
Kung wala na ang pinipig at nilupak sa baraka
kahit budbod at lumang latik ay yayamanin na
Lalakbayin ko’y lubhang malayo pa
Ngunit sinisinta
ika’y makakaasa:
     Ang pinanggalingan,
          ang pinagmulan,
               lilingunin tuwina.
Brewed Coffee - 10; 10th in a series of poems mostly focusing on my memories of Lipa, the place of my birth, childhood and teenage years.
Jun Lit
Written by
Jun Lit  M/Los Baños, Philippines
(M/Los Baños, Philippines)   
2.7k
   Jun Lit
Please log in to view and add comments on poems