Sa isang madilim na kuwarto, ako’y tila mahinhin at ang mga mata’y nakasarado. Nakahiga lamang at kalmado habang nakabalot sa kumot at tila binabangungot ng mga ala-alang ‘di ko malimot-limot nang iwan mo ako. Ang mga ala-alang ito’y kung makapang-asta saking isipa’y parang nagliliyab na apoy na pumapaso sa mga magagandang damdamin kong tila naitataboy.
Ngunit ngayon, tila nawala ang nagliliyab na apoy nang nalalampasan ko na ang lungkot, at tuluyang bumabangon at nililimot ang mga ala-ala ng kahapon, sapagkat alam ko na ang mga masasamang kahapon ay ‘di pa ang dulo at hadlang upang ‘di ako makabangon.