Abalang-abala ka sa pakikipag-usap sa iyong kustomer at hindi mo na namalayang tumatakbo ang oras. Ang nasa isip mo lamang nang mga oras na iyon ay matapos mo ang iyong trabaho nang walang palya at walang ano mang iisipin pa. Nang iyong tanggalin ang headset ay doon mo lamang napansing ikaw na lamang pala ang nag-iisang ahente sa ikatlong palapag ng opisinang iyong pinapasukan sa isang call center.
Tanging ang liwanag na lamang sa iyong station ang tanglaw nang mga oras na iyon. Kaya naman ay sinipat mo ang orasan sa iyong wrist watch at napagtantong isang oras na lamang at sarado na rin ang buong building at kailangan mo ng umuwi.
Inayos mo na ang iyong mga gamit at siniguradong na-i-document mo nang maayos ang mga calls recordings mo. Nag-inat-inat ka pa muna bago mo pinatay ang monitor at CPU ng iyong kompyuter. Hinintay mo munang naka-shut down na ito bago ka tumayo. Nang tuluyan na nga itong namatay ay agad **** binitbit ang iyong back pack. Nang tatalikod ka na ay isang malamig na simoy ng hangin ang nanuot sa iyong balat.
Sa iyong pagkakaalam ay sarado naman ang mga bintana sa opisinang iyon at sigurado kang pinapatay na rin ang aircon kapag isang tao o walang tao nang naiiwan roon. Ngunit, kakaibang lamig ang iyong naramdaman. Hindi lang iyon dahil isa, dalawa, at talong beses kang nakarinig na may nagtitipa sa keyboard.
Halos lumabas na ang iyong mata sa takot pero nanatili ka pa ring matapang. Huminga ka muna nang malalim at agad nilingon ang kanina pang nagtitipang bagay sa iyong likuran. At doon ay lalo kang nanginig nang makita ng iyong dalawang mata ang biglang pagliwanag ng monitor at sunod-sunod na pagtitipa ng wala namang kamay na mga letra sa keyboard.
Nang mag-flash sa screen ang mga letra ay doon ka na nagtatakbo palabas dahil nakasulat doon ang mga katagang TYPING KEYBOARD na may kasamang pigura ng duguang bungo.