Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Oct 2018
Nilisan kong hubad ang pinaglunuhan,
Enero, Pebrero, Marso ng kabataan
Lubi-lubi ang awit sa tiyang kumakalam
balatkayong pinasikip ng mga agam-agam
mga ala-alang pilit naglulungga, inipit na liham
sa yungib ng pipíng isipan.

Sa pagtalikód ko’y hiniwa
ng balaraw ng panghihinayang
ang banig na naidlip saglit
sa magdamag na paglalamay
banig na nilala ng mga dekada
mula sa mga hibla ng pagsusumikap.

Paalam,
kaibigang nabingi sa tawag ng luho
Walang alinlangang maririnig mo rin
ang tibok at bulong ng puso
Ninais ko sanang samahan mo ako
at ating anihin
ang mga uhay na mula
sa binhing ipinunla
sa mga alapaap.
Ninais kong lasapin
ang matamis na bunga,
pinahinog ng tiyaga
at patuloy na pag-asa.

Subalit
dagtang makapit,
luhang mapait,
kumikirot ang lupa
sa patak ng namuong dugo
ng bayaning nagbuwis
ng sariling pagsuyo.

Kikitlin ng Nobyembre
ang bawat naiwang himaymay
sa lamig ng yakap ng amihan
- akala’y dakila ang dayuhang niyebe.
Mamamaluktot muli sa maigsing kumot
hanggang sa magising
sa aguinaldo ng Disyembre
at pagpasok na naman ng Bagong Taon
walang kamatayang panahon
aasa na naman sa ****
na iba ang pangako at iba ang tugon
sa dalangin at maraming tanong

Ah sanga pala, Abril, Mayo, Hunyo noon.
Oktubre - Filipino word for October; for several years now, sometime within my birth month, I unconsciously start to reflect on events in my life and the places I call home.
Jun Lit
Written by
Jun Lit  M/Los Baños, Philippines
(M/Los Baños, Philippines)   
  21.9k
   Yrso
Please log in to view and add comments on poems