Para kanino ba ang pangalang yan? Para sa taong may pinag-aralan? Para sa taong may pinaghirapan? O para rin sa mga taong nahihirapan?
Mga tanong yan na umiikot sa mundong kinabibilangan ko. Hindi ko piniling maging ganito pero ito na ata ang isinulat sa tadhana ko. Ang maging di kanais-kais sa paningin At mas lalong di maging kapansin-pansin.
Ako Si Juan
Pilipino rin ako pero bakit tingin niyo sa akin walang kwentang tao? Pilipino rin ako at hindi ko ninais na maging ganito ang buhay ko. Oo pilipino rin ako pero bakit parang ayaw niyo akong tanggapin bilang tao sa lipunang ito?
Dahil ba marumi ang damit ko? Dahil ba nangangamoy araw ako? Dahil ba wala akong napagaralan? O dahil di na ako katangap-tangap?
Ako si Juan
Pakiusap wag niyo akong husgahan dahil sa ako'y mahirap Di ko pinili ang takbo ng buhay na mayroon ako. Di ko piniling maging pulubing palaboy-laboy At higit sa lahat
Di ko piniling mawala ang lahat.
Ang pera, ang pagkain, ang tirahan, ang pamilya, ang inumin ang kaibigan.
At hindi ko pinili ang maging mahiral.
Pasensya ate, kuya, kung lagi ko kayong kinukulit para sa kaunting pansin. Pasensya na ate at kuya kung kinakalabit ko ang mga damit ninyong mamahalin. Pasensya na ate at kuya kung sa bawat pagdaan ninyo'y nababahuan kayo sa akin.
Pero maliban sa pera, palimos naman po ng panalangin.
Panalangin na sana'y hindi ako sumuko sa ibinigay saking pagsubok Panalangin laban sa lahat ng bagay na nagdala sakin sa pagkalugmok Panalangin na hindi ako paano sa daan kapag ako ay natutulog At panalangin na sa paggising ko'y may lakas pa rin akong bumangon.
Pasensya kung gagamitin ko pa ang pangalang Juan na simbolo ng pagiging likas na Pilipinong may pinagaralan
Pero sana maisip niyo na di ko kailangan ng mga bagay na sa aki'y magpapayaman
Ang kailangan ko ay ang intindihin niyo ang aking kalagayan
Kung makikita niyo man akong naglalakad o nakaupo sa lansangan
Maaari bang sumigaw kayo o tawagin niyo ako sa pangalang Juan?
Dahil minsan rin sa buhay ko ay katulad niyo rin ako
Napaglaruan lang ng tadhana at nawala lahat ng meron ako.
Pulubi ako, mabaho, konti ang nalalaman, walang panligo, pangkain, perang pambili ng gamot pangotra sa sakit na dala ng paligid.
Pero ito ang tandaan ninyo,
Huling mensahe ni lumang Juan para sa mga makabagong Juan
Ako si Juan
Pagnakita ninyo ako wag niyo akong pandirian Subukan niyong kilalanin ako maliban sa aking pangalan
Wag niyo akong husgahan na ipambibili ng droga ang naipon kong barya
Wag niyo akong husgahan na nagtatrabaho ako sa isang sindikatong galawan.
At sana'y ako'y inyong alalahanin at wag niyo sana akong kalimutan
Na minsan sa buhay ko na nakapagpakilala ako na "Ako Si Juan ang dating Pilipino na ngayo'y tinatakwil na ng lipunan."