Balanseng pakikibaka, Ito ang araw araw na ipinamulat sa akin Ng pang araw araw ko ding pagtira Sa mundong hindi naman timbang ang hustisya
Magkabilang panig na inaasahan ng lahat Na sana'y magpantay ang timbangan Ngunit ang katotohanan? Likas nang mas mabigat ang kabila Kaysa sa nasa kabila.
Lahat daw ay pantay pantay Sabi ng matandang kasabihan Ngunit para sa akin? ‘Yan ay isang malaking kalokohan
Wala pa namang naging malinaw na paliwanag Sa uugod-ugod na paniniwalang iyan Nakakapagod pantayin ang mga bagay-bagay. Sa kadahilanang hindi naman pantay pantay ang layunin ng bawat nilalang
Sa lipunang, Kailanma'y hindi na magiging patas Sa mundong, Kailanma'y hindi na bababa ang mga nawili na sa itaas, Sa daigdig, Na ang nasa ilalim ay lalo pang nadidiin
Paano pang mag-aabot ang langit at lupa Kung mananatiling bakante ang gitna Kung ang biktima ay lalong inaakusahan At ang may sala ay patuloy na hinahangaan
O lupa kong hirang, o Inang kong Bayan Tayo ba’y ang mga walang kapaguran panaginip? Hanggang kailan tayo maaaring maidlip? Tayo ba’y ang mga hindi natutulog na batis? Hanggang saan tayo padadaluyin ng mga agos ng hinagpis? Tayo ba'y ang mga sigaw Sa kwebang walang alingawngaw? Hanggang kailan tayo magtitiis Sa 'di makatarungang ''Mga Bulong ng Hapis''.