hindi naman talaga ako marunong magsulat pero nang dahil sa'yo nasimulan ko
hindi ko din alam kung paano ito tatapusin pero nang dahil sa'yo nagawa ko
paano nga ba magsulat? unang letra, pangalawa, pangatlo hindi ko namalayan na sa unang pagtingin ko sa unang paglapat ko ng papel sa lamesa sa unang paggalaw ng panulat ko
...dumaloy na ang mga salitang hindi ko akalaing manggagaling sa mismong mga kamay ko
"isang araw..." diyan din naman tayo nagsimula diyan tayo unang nagkita, nagkausap at nagkatinginan lahat naman nagsisimula sa isang araw hindi ba?
at magtatapos din sa "wakas" ang wakas kung saan magiging masaya na ang lahat ang wakas na hindi na pwedeng madugtungan pa ng kahit anong problemang magbibigay kalungkutan
pero bakit?
kahit alam kong wakas na kahit alam kong tapos na, tigil na, hinto na bakit hindi ko pa din mapigilan ang paggalaw ng kamay ko sa itaas ng papel? ang pagagos ng mga letra sa utak ko na para bang ako'y lalamunin na?
"nasasaktan ka na" bulong ng utak ko sa puso ko "kaya ko pa" sagot naman ng puso ko pabalik "di ka pa ba pagod?"
mga huling salita na nagsasabi sa'king tumigil na mga salitang matagal ko ng hinihintay mga salitang dapat matagal ko nang napagtanto at hudyat na dapat itigil ko na
akala ko ba, nang dahil sa'yo, magiging madali na lang? akala ko ba, nang dahil sa'yo, mahihinto ko agad? bakit parang bumaliktad? bakit parang, nang dahil sa'yo mas humirap
nang dahil sa'yo humirap magsimulang muli humirap maghanap ng panibagong papel na pagsusulatan ko ng bagong kabanata humirap ihinto ang mga pangungusap na aking nasusulat nang ako'y nagsimula
kailan ba 'ko hihinto? pati ba naman itong tula ay hindi ko matapos dahil hanggang dito, ikaw pa din ang dahilan ikaw ang dahilan kung bakit ko ito sinimulan sinulat, dinama, pinagisipan
alam ko...
alam ko darating ang araw na mararating ko din ang wakas ang wakas kung saan wala ng "dahil sa'yo" ang dulo kung saan mahihinto ko na ang pagsusulat ng kabanatang ito ang kabanatang nagbigay sa akin ng ligaya, ngunit masakit na karanasan ang kabanatang hanggang nakaraan na lang
at pag dumating ang araw na iyon muli ko nang mararamdaman ang saya sa pagkuha ng bagong papel ang saya sa paglinis ng aking panulat at⦠ang saya kung saan mababanggit ko na ang katagang, "sawakas"
masasabi ko na din ang pasasalamat ko sa iyo, na nagbigay sa akin ng papel at matitingnan ko na din ng maayos ang panulat na ikaw mismo ang nagbigay.